• Home
  • Fresh Scoops
  • Joem Bascon on JM de Guzman: ‘Huwag na sana niyang sayangin at aksayahin ang pagkakataon’

Joem Bascon on JM de Guzman: ‘Huwag na sana niyang sayangin at aksayahin ang pagkakataon’

Masaya ang aktor sa pagbabalik telebisyon ng kanyang kaibigan na si JM de Guzman.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

4/30/2018 8:56 AM
Joem Bascon on JM de Guzman: ‘Huwag na sana niyang sayangin at aksayahin ang pagkakataon’


 

Isa si Joem Bascon sa masaya dahil nakabalik na sa pag-arte ang kaibigang si JM de Guzman. Bida si JM sa afternoon series na Precious Hearts Romances Presents Araw Gabi na mapapanood na mamaya (April 30) sa Kapamilya Gold.

“Siyempre, masaya ako na after ng lahat ng nangyari, ang tagal non, ha, dalawang taon siyang nawala, tapos pagbalik niya leading man ulit siya. Happy ako na nakabalik siya, na maayos na siya,” pahayag ni Joem nang makausap namin siya sa premiere night ng pelikulang The Impossible Dream na ginanap sa SM Pampanga.

Umaasa ang aktor na hindi na ulit maliligaw ng landas si JM. May payo din siya sa binata.

“Siyempre, ang payo ko lang, huwag na niya sanang sayangin at aksayahin ang pagkakataon. Sa dalawang taon na yon ang daming batang nakapilang leading man, so  para sa isang taong nawala ng 2 years, tapos pagbalik mo leading man ka kaagad tapos ipapalabas kaagad yung serye mo, sana huwag na niyang sayangin yon,” sambit pa niya.

Dagdag pa ni Joem, madalas silang nagkakausap at nagkikita ngayon ni JM.

Aniya, “Nagkakausap at nagkikita kami at maayos na maayos na siya. At yon ang lagi naming sinasabi sa kanya, huwag na niyang pabayaan yung pagkakataon kasi sayang, eh.”

Samantala, sa pelikulang The Impossible Dream (Ferdinand Labong Story) ay gumaganap si Joem bilang young Christopher de Leon. Nilinaw niya na hindi para sa political campaign ang ginawa niyang movie.

“Hindi naman. Ang pinag-usapan lang namin nina Direk Joven (Tan) at Tito Boyet, gagawin lang talaga namin yon for the story – kung for political agenda, iba na yon.

“Kumbaga, ginawa lang namin yung istorya ng buhay niya, kung papaano niya pinagdaanan yung hirap bago siya nag-succeed sa buhay. Naniniwala naman ako na mabuti siyang tao,” paliwanag pa ni Joem.

Inamin din ng aktor na na-challenge siyang gumawa ng true-to-life movie.

Aniya,  “Nakabantay siya lagi. Dapat yung nuances namin ay sakto  or angkop don sa kung ano yung ginagawa niya nung time na yon. Tinuturo niya sa amin kung paano niya binibitiwan yung linya niya. Kasi yung mga eksena niya na pinagawa niya sa amin talagang sobrang memorable para sa kanya.

“Mahirap siya, mas challenging kasi kailangan mong maging mas totoo yung acting mo. Kailangan mong isakto don sa gusto niya, pati kung paano siya magsalita.”

Bukod sa The Impossible Dream ay kasama rin si Joem Bascon sa pelikulang My 2 Mommies na pinagbibidahan nina Paolo Ballesteros at Solenn Heussaff na showing naman on May 9 from Regal Entertainment.