• Home
  • Fresh Scoops
  • JM de Guzman hindi sinisisi si Jessy Mendiola sa pag gamit ng drugs noon

JM de Guzman hindi sinisisi si Jessy Mendiola sa pag gamit ng drugs noon

Laging nakaagapay ang support ni JM de Guzman sa kanya para sa kanyang recovery.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

4/25/2018 10:07 AM
JM de Guzman hindi sinisisi si Jessy Mendiola sa pag gamit ng drugs noon


Photo credit: @senorita_jessy (R) on IG

 

Bago pa sumalang si JM de Guzman sa grand presscon ng afternoon series na Precious Hearts Romances Presents Araw Gabi ay nakausap na namin siya sa standby area. Aminado si JM na kabado siya sa pagharap niya sa entertainment press.

“Kinakabahan po ako. Parang hindi ko alam ang sasabihin ko,” pag-amin niya sa PUSH.

Hinimas-himas naman ng ilang co-stars sa PHR ang balikat ni JM para i-comfort sa nararamdaman nito.

“Salamat… salamat. Pero nando’n pa rin talaga yung kaba,” bulalas ulit ng aktor.

During the presscon of Araw Gabi ay nilinaw din ni JM na hindi niya sinisisi ang past relationship niya with Jessy Mendiola kung bakit medyo napariwara ang buhay niya at nalulong sa prohibited drugs.

Aniya, “Hindi ko pwedeng sisisihin do’n, eh, kasi lahat naman ng tao nagdadaan sa kahit anong problema.

“Isinisisi ko lahat ng nangyari sa maling choices na ginawa ko to deal with my problems,” katwiran pa niya.

Ayon pa sa aktor, matagal na rin daw silang hindi nagkakausap ni Jessy pero nagkita raw sila sila minsan sa isang restaurant pero hindi raw sila nagkaroon ng chance na magkabatian.

Aware din si JM na masaya na si Jessy ngayon sa boyfriend nitong si Luis Manzano. Alam din niyang papunta na sa kasalan ang relasyon ng dalawa.

Samantala, hanggang ngayon ay nakaagapay pa rin kay JM ang tinatawag niyang support group na tumutululong sa kanya para totally ay makaiwas na talaga siya sa droga.

“May support group po ako na hindi binibitawan,” balita niya sa press.

Dagdag pa niya, “Kailangan ding maging humble enough pa rin ako to seek help. Kasi ang recovery naman po kasi hindi naman natatapos agad. It's a life-long struggle or fight. Kung tumigil ako sa paghingi ng tulong o support, doon ako puwedeng madapa po ulit.”

Magsisimula na ang Araw Gabi sa April 30. Makakasama ni JM sa bagong series sina Barbie Imperial, Vina Morales, Ara Mina, Jane Oineza, Ysabel Ortega, Victor Silayan, at marami pang iba. Ito ay sa direksyon ni Theodore Boborol mula sa RSB unit ni Direk Ruel Bayani.