Director Paul Basinillo, ibinahagi ang dapat abangan sa ‘This Is Me Concert’ ni Sarah Geronimo

BY
Kiko Escuadro

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

03/04/2018 11:47 AM
Director Paul Basinillo, ibinahagi ang dapat abangan sa ‘This Is Me Concert’ ni Sarah Geronimo

 

Matapos ang matagumpay na concert nina James Reid at Nadine Lustre na JaDine Revolution Concert, isa muling kapanapanabik na concert ang nakatakdang i-direk ni Paul Basinillo.

Si Direk Paul ang magdidirek ng nalalapit na 15th year anniversary concert ni Sarah sa Araneta Coliseum.


"Fifteen years na siya. Ito naman siguro dapat talaga abangan ang lahat ng mga pasabog na si Sarah mismo ang magco-conceptualize," bungad na kuwento ng director.

Ayon kay Direk Paul, malaki ang ginagawang paghahanda ngayon ni Sarah para sa kanyang This Is Me concert na magaganap ngayong April 14 sa Big Dome.

 

"Ang tagal din niya kasing nawala. Yung last concert naman niya, hindi siya talaga major concert. Medyo small scale lang siya sa Kia Theater. Ngayon talagang pinaghandaan niyang mabuti, lalong lalo na sa mga production numbers," sabi ni Direk Paul.

Bukod sa mga pasabog na dance number, maaasahan din ang na ipe-perform ni Sarah ang kanyang mga hit songs.

 

"Ang hinahanap kasi ng tao, yung mga dating kanta niya na sikat. Tapos yung mga hatawan na sayawan," sambit pa ni direk.

Thankful din daw si Direk Paul sa mga nagsasabing paborito siya ni Sarah sa mga proyekto nito. Pero depensa ng director, pinagkatiwalaan lamang siya ng Popstar Royalty.

"Hindi ko masabi. Siguro parang (laughs). Siguro pinagkatiwalaan lang tayo ni Sarah kasi alam ko na yung mga gusto niya and alam na niya yung style ko siguro. Dahil doon nagkaka-intindihan na kami ng madali," pahayag pa ni direk Paul.

Sa ngayon looking forward din si Direk Paul sa 2018 MYX Music Awards kung saan nominado ang music video na ginawa niya para kay Bamboo sa awiting “C@LL” bilang Music Video of the Year.