• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Rowell Santiago, ibinahagi ang dahilan kung bakit tinanggap niya ang role bilang president sa ‘Ang Probinsyano’

EXCLUSIVE: Rowell Santiago, ibinahagi ang dahilan kung bakit tinanggap niya ang role bilang president sa ‘Ang Probinsyano’

Excited na din si Rowell Santiago maka-eksena si Coco Martin.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

3/29/2018 7:20 AM
EXCLUSIVE: Rowell Santiago, ibinahagi ang dahilan kung bakit tinanggap niya ang role bilang president sa ‘Ang Probinsyano’


Photo credit: @direkrowell on IG

 

Balik bilang actor ang concert director na si Rowell Santiago sa ABS-CBN series na FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin. Gagampanan ni Rowell ang role ni President Oscar Hidalgo sa longest-running series sa primetime ngayon.

Huling napanood si Rowell nang mag-guest siya sa You’re My Home series nina Dawn Zulueta at Richard Gomez.

“Nung nalaman ko kung sino yung first lady na gaganap, si Dawn (Zulueta), so parang tatanggi ka pa ba? Tapos ang VP (vice president) si Edu (Manzano), may Alice (Dixson), parang looking forward din ako,” masayang kuwento sa PUSH ng actor-director.

Hindi naman daw naiwasang manibago siya sa pag-arte lalo pa nga’t hindi naman niya ito palaging ginagawa.

Aniya, “Parating nakakapanibago talaga. Kaya nga nagulat din ako nung sinabi nila yung role. Sabi ko, ‘Sigurado ba kayo?’ Kasi ginawa ko na yung presidente noon, di ba, sa Tanging Yaman.

“Pero sabi ko, ‘Sige, sige.’ Saka tatanggi ka ba, Probinsyano? At saka kung babalik ka, di ba, yung siguradong may nanonood din. So, happy din ako sa nangyari.”

Willing naman daw siyang umarte sa pelikula at telebisyon kaya lang nahahati talaga ang oras niya sa dami ng iba pang ginagawa.

“Medyo mahirap din talaga. Lalo na ngayong nagpo-produce ako at may bago kaming iniisip na concept ng concert.

“Pero ang feeling ko, kailangan maging grounded pa rin kasi don ako nagsimula (sa pag-arte). At saka kapag may ganitong roles na dumadating, mahirap tanggihan.

“Kasi parang ang feeling ko, kahit papaano, I have to still look back kung saan ako nanggaling. At saka hindi naman nakakahiya yung mga roles.

“Maganda rin yung kahit papaano hindi ka nagiging relaxed. Hindi ka parating nasa comfort zone mo. Kailangan gumagawa ka ng parang maninibago ka ulit para uminit ulit yung dugo mo,” katwiran ni Rowell.

Rowell is also looking forward sa magiging eksena nila ni Coco sa Ang Probinsyano.

“Wala pa, wala pa kaming mga eksena. Pero actually, sinabi na sa akin yon. Nakaka-excite yung mangyayari pero hindi naman namin puwedeng sabihin,” natatawa niyang kuwento.

Nakausap ng PUSH si Rowell sa National Breakfast Day ng McDonald’s na ginanap kamakailan lang kasama ang iba pang talents ni Noel Ferrer.