JC Santos sa isyung maraming inggit sa kanya: ‘Hindi ako aware!’

Konti pa lang daw ang mga kaibigan ni JC Santos sa showbiz.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

02/18/2018 11:51 AM
JC Santos sa isyung maraming inggit sa kanya: ‘Hindi ako aware!’

 

Bukod sa pagiging abala sa pelikula at telebisyon ay pinasok na rin ni JC Santos ang music. Isa siya sa pinakabagong recording artist ng Star Music na ini-launch kamakailan lang.

Nasa cast na rin siya ng FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin at kasalukuyan ding nagsusyuting ng pelikula kasama si Bela Padilla sa Viva Films under the direction of Jason Paul Laxamana.


Aware ba siyang marami na ang artistang naiinggit sa kanya ngayon dahil sa dami ng kanyang raket?

Aniya, “Wala naman akong nararamdamang ganun. Wala naman. Hindi ako aware.”

Paliwanag pa niya, “Mostly po kasi, usually po theater friends yung mga kasama ko, so usually sila yung proud and ever supportive sa akin. And wala naman po akong sobrang ka-close pa (na showbiz friends). Bilang ko pa po sa mga kamay ko yung showbiz friends ko, so far wala naman…”

Dalawang taga-showbiz pa lang daw ang maituturing niya talagang trusted friends.

“So far, ang pinaka-trusted ko pa lang, ang pinakaka-close ko ay si Matsunaga (Daniel) at si Wacky. Hanggang ngayon kasi may communication pa rin kami,” kuwento pa niya.

Nakasama ni JC sina Daniel at Wacky sa reality show ng ABS-CBN na I Can Do That.

Patuloy ng binata, “Friends ko pa rin naman sina James (Reid) at Nadine (Lustre), hindi ko lang sila nakikita. Ang palagi kong nakikita ay si Matsunaga.”

Eh, bakit may mga lumalabas na isyung lumaki na raw ang kanyang ulo o yumabang na?

“Paano ko sasagutin yon? Busy po kasi akong masyado. Hindi naman po totoo yon,” paglilinaw pa niya.

Pero how true na meron siyang sariling mundo?

“Ay, hindi naman po, hindi naman. Dati kasi usually theater friends lang talaga ang kasama ko lagi. Ang nagbago lang po siguro ay naging confident lang ako sa mga trabahong binibigay sa akin,” sambit pa niya.

Ano naman ang expectations niya bilang recording artist?

“Actually, mas nauna ko pong natutunang mahalin yung music bago yung acting. Nag-training po ako bago nag-musical theater sa New York, pero nawawala-wala po, kasi kailangan pag kumakanta, dapat araw-araw kang kumakanta, di ba?

“Muscle yan, eh, kailangan lagi mo siyang dini-develop. Ngayon pa lang po ulit ako bumabalik at ngayon ko lang po pinapaalam na kumakanta po ako.

“Expectations? Ah, kasi iba pa rin yung gawang Pinoy, eh… yung musika ng Pinoy. And yon naman yung pinakagusto kong maipahatid sa lahat.

“Gusto kong mag-share ng passion ng ginagawa ko. Sana maramdaman nila at magustuhan nila… yon lang naman,” huling pahayag ni JC sa PUSH.