• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Kiray Celis, umaming siya ang ‘nanggamit’ sa modelong si Kirst Viray

EXCLUSIVE: Kiray Celis, umaming siya ang ‘nanggamit’ sa modelong si Kirst Viray

Idinitalye ni Kiray Celis ang mga bagay na ayaw niya kay Kirst Viray.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

2/11/2018 9:21 AM
EXCLUSIVE: Kiray Celis, umaming siya ang ‘nanggamit’ sa modelong si Kirst Viray


Photo credit: @kiraycelis (Left) @kirstviray (right) IG

 

Imposible palang maging boyfriend ni Kiray Celis ang model-turned-actor na si Kirst Viray kahit pa na-link sila sa isa’t isa noon. Ang dahilan, hindi raw siya mahilig sa lalaking magaganda ang katawan.

“Alam ni Kirst na hindi ko talaga siya gusto simula pa lang. Kasi feeling ko… hindi talaga ako mahilig sa mga kasama ko sa trabaho, yon talaga yung ayaw ko – yung kasama ko sa isang field, kasama ko sa trabaho.

“Hindi rin kasi ako sa katawan tumitingin, eh. Hindi ako mahilig sa katawan. Kasi pag niyakap mo yung taong maganda ang katawan, ang tigas non.

“Si Kirst, pag niyayakap ko, ang tigas nung dito (balikat), parang bato, so hindi ako natutuwa. Gusto ko yung medyo malaman na boyfriend,” paliwanag ni Kiray sa PUSH.

Paano ba niya ikukumpara ang boyfriend niya kay Kirst?

Aniya, “Actually magkaiba sila ni boyfriend. Magkasing-height lang sila, pero maputi si boyfriend, si Kirst medyo moreno. Medyo chubby si boyfriend, si Kirst maganda ang katawan – malayo talaga,” sabi pa niya.

Nagpaliwanag din si Kiray sa isyu na ginamit lang siya ni Kirst noon para maging maingay ang pangalan nito sa showbiz.

“Kahit ano namang sabihin ng tao, kung hindi ka naman ginagamit, ginagamit ka pa rin kasi nga parehas kayo ng trabaho.

“Ang totoo, nakatulong yung isa’t isa para magkaroon ng maraming trabaho. Kasi sa totoo lang, ang dami naming naging trabaho nung nagkasama kami, so thankful kami sa isa’t isa.

“Walang nanggamit at walang nagpagamit because nag-enjoy kami sobra. Walang bitter ha, walang ganun.”

Papayag ba siyang gamitin siya ni Kirst?

“Ngayon? Oo naman!” sagot niya.