Pinalakpakan at labis na minahal nitong 2018 ang ilan sa mga Pinay na nagbigay karangalan sa bansa mula sa larangan ng showbiz.
Mula sa Broadway, international red carpet scene, Hollywood appearances, pageants at modelling world, ipinamalas ng Filipina ang kanyang angking ganda at galing sa buong mundo.
Una na dito ang pang-apat na Pinay Miss Universe na si Catriona Gray na muling ibinalik ang Miss Universe sa Pilipinas.
Itinanghal din na Asia Pacific International si Sharifa Areef Mohammad Omar Akeel, na tubong Sultan Kudarat.
Si Ahtisa Manalo naman ay naging first runner up sa 2018 Miss International pageant na ginanap sa Tokyo, Japan.
Bukod sa pageants, gumawa din ng pangalan ang Fil-American model na si Kelsey Merritt, na unang Pilipina na rumampa sa prestihiyosong Victoria Secret fashion show.
Ang teen star na si Maymay Entrata naman ang unang Pilipina na rumampa din sa 2018 Arab Fashion Week.
Agaw pansin din si Kris Aquino sa red carpet ng “Crazy Rich Asians” kung saan dinumog siya ng international media.
Bukod kay Kris, binansagan naman si Heart Evangelista-Escudero bilang tunay na “Crazy Rich Asian” nang itampok siya sa prestihiyosong Harper’s Bazaar Magazine.
Tulad ni Kris at Heart, tuloy naman sa pag-ukit ng watawat ng Pilipinas sa Broadway ang singer-actress na si Lea Salonga nang maging nominado siya sa Grammy’s.
Hindi din nagpapaawat si Rachelle Ann Go sa pagsunod niya sa mga yapak ni Lea, sa kanyang pagiging international theater star. Isa si Rachel ngayon sa mga bida sa play na "Hamilton" sa West End sa London.
At kamakailan lang, itinanghal din na grand winner sa “The X Factor” Romania si Bella Santiago, na tinagurian ng mga judges na Beyonce ng Romania.