• Home
  • Fresh Scoops
  • Mga direktor ng MMFF, sigaw ang pantay na karapatan sa mga sinehan

Mga direktor ng MMFF, sigaw ang pantay na karapatan sa mga sinehan

Patuloy ang paglaban ng ilang pelikula para sa kanilang karapatan sa pantay na bilang ng sinehan sa film fest.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

12/29/2018 12:55 PM
Mga direktor ng MMFF, sigaw ang pantay na karapatan sa mga sinehan


Sa patuloy na paghataw sa takilya ng mga pelikula ng 2018 Metro Manila Film Festival (MMFF), sumisigaw ngayon ng pantay na karapatan sa bilang ng dami ng sinehan ang ibang pelikulang kalahok sa nasabing film festival.

Una na dito ang direktor ng pelikulang OTLUM na si Joven Tan.

“Negosyo kasi yun e, so wala tayong magagawa. Parang siguro kung palit kami ng posisyon, siguro parang mas gugustuhin mo na ipalabas ang mga pelikulang kumikita at hindi ko sila pwede sisihin kasi negosyo din ‘yan,” aniya sa panayam ng PUSH at ABS-CBN News.

“Kami kasi, nagpapalasamat sa Diyos kasi kahit papaano hindi naman ganun marami ang nawala sa sinehan parang tuloy lang ang laban matagal pa naman ang film festival,” aniya pa.

Patas na bilang ng mga sinehan ang nais ng 2018 Best Director na si Joel Lamangan ng Rainbow’s Sunset.

“Masakit na nasa harapan mo, unti-unting tinatanggal sa mga sinehan ang mga pelikula mo,” aniya sa acceptance speech niya bilang Best Director.

Dahil sa mas maraming bilang sa mga sinehan ng ibang pelikula ma nangunguna sa takilya, ramdam ng 2018 Best Director ang pagkabaklas sa mga sinehan ng kanyang pelikula.

“Sana, sa mga susunod na panahon, kung ano ang napag-usapan na mga numero ng mga sinehan ng pagpapalabasan ay respetuhin at tangkilikin,” aniya.

“Huwag natin ipagkait sa mga manunuod ang karapatan na makapanuod ng pelikula, huwag lang natin isipin ang komersyo,” patuloy ni Lamangan sa kanyang speech.

“Ang pelikula ay isang sining at ang sining ay kaluluwa ng tao, kaluluwa ng bayan. Huwag lamang natin patabain ang bulsa ng may-ari ng mga sinehan patabain natin ang kaluluwa ng bayan ng mga Pilipino,” pahayag pa niya.