• Home
  • Fresh Scoops
  • Lisa Macuja, aminadong mahihirapan nang makabalik sa pagsasayaw ng ballet

Lisa Macuja, aminadong mahihirapan nang makabalik sa pagsasayaw ng ballet

BY JEFF FERNANDO

Twitter: @showbizjeff

FRESH SCOOPS

12/23/2018 10:34 AM
Lisa Macuja, aminadong mahihirapan nang makabalik sa pagsasayaw ng ballet


Photo Credits: @lisamacuja IG

Isang libreng pamaskong handog ang hatid ng prima ballerina na si Lisa Macuja sa kabataang Pinoy kung saan tampok ang mga Kuwento ni Lola Basyang.
 
Kasabay ito ng kanyang adbokasiya na muling dalhin sa teatro ang mga kabataan.
 
“Ang misyon namin is to bring ballet to the people and bring people to the ballet so lagi talaga namin ginagawa ito every Christmas Day. In fact, sometimes every weekend mayroon kaming mga libreng palabas,” sabi pa ni Lisa.
 
Para kay Lisa, personal na pinili ng Ballet Manila ang Lola Basyang para makakarelate ang kabataang Pinoy.
 
“Lola Basyang, kasi para sa amin ang kuwento ni Severino Reyes ay may mga aral, very colorful, very festive. Maraming characters, maraming mapupulot na aral at kuwento at entertaining sa buong pamilya,” aniya.
 
Abala man ngayon bilang creative director, aminado si Lisa na nami-miss na niya ang muling sumayaw sa entablado.
 
“Actually, miss na miss ko na ang mag-perform. Two years na ako na hindi nag-ballet, nag-retire na ako. Na mimiss ko siyempre. May mga times na napapasayaw ako, pero sa studio lang.
 
“Para sa akin ang pagsasayaw ko ay bahagi na talaga ng buhay ko at para sa akin hindi ako nagpapalagpas ng isang araw na hindi ako gumagalaw,” sabi pa ni Lisa.

Gustuhin man niya na ipagpatuloy ang pagsasayaw hindi na ito maaring maisakatuparan pa.

“Hindi na pwede, kasi nagkaroon na ako ng hip joint replacement so my left is already titanium. Sabi talaga ng doctor ko, hindi na ako magsasayaw, kasi yung stress sa kung joint ay bawasan na dapat ng konti,” pahayag pa niya.

Sa ngayon, abala si Lisa bilang creative consultant, at director ng Ballet Manila kung saan napapanuod ang dekalibreng ballet performances.