• Home
  • Fresh Scoops
  • Jolina Magdangal at Judy Ann Santos, nilinaw ang dating isyu ng tampuhan

Jolina Magdangal at Judy Ann Santos, nilinaw ang dating isyu ng tampuhan

Inamin ni Jolina Magdangal na pinagsisisihan niya hanggang ngayon ang hindi pagdalo sa kasal nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo noon.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

11/5/2018 4:56 PM
Jolina Magdangal at Judy Ann Santos, nilinaw ang dating isyu ng tampuhan


Sa espesyal na episode ng Magandang Buhay (November 5), sinorpresa ni Judy Ann Santos ang matalik na kaibigan at momshie host na si Jolina Magdangal. Napag-usapan ng dalawa ang malalim nilang pagkakaibigan, maging ang isang pagsisisi ni Jolina nang hindi siya makadalo sa kasal nina Judy Ann at Ryan Agoncillo noong 2009. 

“Mayroon akong slight regret sa naging journey ng friendship natin. 'Yung nangyari sa kasal mo na talagang sobrang ni-regret ko 'yon. Parang feeling ko siguro baka mas naging super close pa tayo, na hindi na tayo nagkaroon ng disconnection kung hindi dahil doon. Lagi kong naiisip 'yon hanggang ngayon." paliwanag ni Jolina.

Sagot naman ni Juday, nakalimutan na niya ang nasabing isyu. “Alam mo actually hindi ko na nga naiisip 'yon after nating mag-usap. Nung tinanong nga ako kung nagkaroon ba tayo ng tampuhan, wala akong masagot kasi nawala na siya sa akin." pag-amin ng aktres.

Ayon kay Jolens, mahigpit na schedule sa trabaho ang naging dahilan ng hindi niya pagdalo sa kasal. “Nung time kasi na 'yon kapag binigyan tayo ng schedule minsan hindi tayo makabitaw, hindi ba? Ngayon na lang talaga tayo nakakapili ng ano. Pero sana nung time na 'yon ay binitiwan ko kung ano ang dapat kong ginawa at nagpunta ako roon. So, 'yun lang, 'yun ang regret ko. Everything else sobra kong ini-enjoy," dagdag ni Jolina.

Nagsimula ang pagkakaibigan ng dalawa noong nagkasama sa Gimik, isang sikat na seryeng pangkabataan noong 90s. 

Samantala, magse-celebrate ng kanyang 40th birthday si Jolina sa November 6.