JM de Guzman, ayaw muna ng love life

JM aminadong hindi priority ang love life kahit nalilink sa kanya ang leading ladies niyang sina Barbie Imperial at Rhian Ramos.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/5/2018 8:12 AM
JM de Guzman, ayaw muna ng love life


Aminado si JM de Guzman na hindi niya talaga priority ngayon ang magkaroon ng love life kahit pa nali-link sa kanya ang leading lady sa Precious Hearts Romances Present: Araw Gabi na si Barbie Imperial.

Dumagdag pa sa posibilidad na puwede rin niyang ligawan at maging future ang leading lady at co-producer niya sa pelikulang Kung Paano Siya Nawala na si Rhian Ramos na umaming during her teenage days ay ina-admire na niya ang aktor.

“Kasi parang, sa dalawang beses po na  nagkaroon po ako ng break, na binigyan ako ng opportunity sa career ko, inuna ko po yon. Masyadong yon ang nasa number one priority ko ngayon.

“Sa tingin ko naman makakapaghintay siya kung… Problema ko kasi yon, pag may naramdaman ako. Minsan, biglang nagugulat na lang ako na, ‘Ops, ginawa ko pala ito,’” katwiran ng magaling na aktor.

Nagbago kaya ang pagtingin niya kay Rhian kung nalaman niya noon pa man na hinahangaan na siya nito at hindi ngayong nagkasama na sila sa movie?

“Posible siguro, nung may araw na guwapung-guwapo talaga ako sa sarili ko,” natatawa niyang sagot.

“May mga araw din na mahihiya ako. Mako-conscious ako. Okay lang na ngayon ko lang nalaman kasi nakakatuwa,” dagdag pa ng aktor.

Pero kahit alam na ni JM ang naging feelings noon ni Rhian, hindi rin daw niya ito liligawan ngayon.

“Hindi rin niya yon priority, eh,” na ang ibig sabihin ni JM ay ang pagkakaroon ng love life ni Rhian.

Kahit yung kay Barbie, inamin ni JM na pinipigil din daw muna niya ang kanyang nararamdaman.

“Oo, pigil na pigil nga. Wala muna.  Supressed muna ng feelings at kung anong nararamdaman. Idadaan ko na lang muna sa boxing,” pabiro at natatawa niyang reaksyon.

As much as possible, ayaw namang pagkumparahin ni JM sina Rhian at Barbie. Natawa lang siya sa pangungulit ng press kung sino sa dalawa ang posible niyang maging girlfriend.

Samantala, inamin ni JM na hanggang ngayon ay sumasailalim pa rin siya sa regular na counseling na bahagi ng kanyang rehab program noon.

“Yes, kakakausap ko lang siya. Pero ngayon hindi na ganun ka-regular kasi natatamaan na ng schedule. Pero I make it a point na kausap ko siya, o yung mga peers ko pag may problema, hindi naman nawawala yon,” sambit niya.

Ano ba ang nai-contribute ni Barbie sa kanyang healing process?

“Sa healing ko? Actually, medyo nabalik niya yung youth side sa akin. Batang-bata yung pananaw niya sa buhay. Masiyahin lang siya,” matipid niyang pahayag.

Meanwhile, ipalalabas na ang Kung Paano Siya Nawala sa Nov. 14.