• Home
  • Fresh Scoops
  • Atak Arana, ibinahagi kung paano napagtagumpayan ang mga dinaanang pagsubok sa buhay

Atak Arana, ibinahagi kung paano napagtagumpayan ang mga dinaanang pagsubok sa buhay

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/29/2018 10:16 AM
Atak Arana, ibinahagi kung paano napagtagumpayan ang mga dinaanang pagsubok sa buhay


Photo credit: Atak Arana's FB

Isang taon pagkatapos masangkot sa kasong acts of lasciviousness ay handa na ulit si Atak Arana na harapin ang showbiz at patunayang may puwang pa rin siya sa indstriya.

Matatandaang kinasuhan si Atak ng bellboy assistant ng isang hotel noong October 2017 na nauwi para mawalan siya ng trabaho at masuspinde sa dalawang TV shows. Pero pagkatapos ng mga pagdinig ay na-dismiss din naman ang kaso.

Sa launching ng kanyang digital song na “Attack Na Si Atak” under Viva Records ay inamin ni Atak na talagang dumaan siya sa depresyon dahil sa nangyari.

“Ang dami kong pinagdaanan. Actually, na-depress talaga ako, grabe. At saka yung mga anxiety, inatake ako niyan,” simula niyang kwento sa PUSH.

“Kaya lang, grabe rin yung faith ko, lagi akong nagsisimba. Bumalik ako sa pinaka-basic talaga. Kasi dati, kami ni Direk Wenn (Deramas) every Sunday nagsisimba kami. So, binalikan ko talaga yung lahat-lahat ng mga ginagawa ko na maayos.

“Tapos nakipagbarkada ako sa mga maaayos na tao. Naniwala talaga ako sa advice ni Direk Wenn na makipag-associate ako sa mga professional at sa mga productive na tao para mahawa ako sa mga good vibes,” patuloy niyang kuwento.

Ibinahagi din niya ang hirap na naranasan habang walang trabaho.

“Sa one year na yon grabe ang depresyon at grabe ang gapang ko talaga. Kaya lang ang bait ni Lord, hindi ako nagutom, nagkakaroon ako ng kahit pakonti-konti na raket. Kunwari, nagkakaraket ako, pero bagsak presyo talaga.

“Kumbaga, piso dati ang presyo ko nagiging singkuwenta na lang. Yung singkuwenta na yon, ang ginagawa ko bibili ako ng maraming bigas, maggo-grocery ako at mamalengke para makaabot ng two weeks naman. Humahawak talaga ko na, ‘Sana may papasok ulit na raket,’” pagbabalik-tanaw pa niya.

Malaki rin daw ang pinagbago ng kanyang lifestyle at tinalikuran na niyang tuluyan ang pagsusugal.
 
Ani Atak, “Malaki talaga. Kasi nung tumigil ako sa pagsusugal may after shocks yon, eh. Nagbabayad ako ng utang, naubos ang pera ko. Kasi pag natatalo ka gusto mo siyempreng makabawi. Tapos pag nakatikim ka naman ng panalo, parang you want more, hanggang hindi mo na alam na sa huli, talo ka pa rin.

“Na-trauma din ako, pero buti naano agad, ‘Hindi, lalabanan ko ito!’ Kasi nga ako rin ang nag-decide, eh. Yung mga nangyayari sa akin sa pagsusugal, sa akin yon, eh, so ngayon ang iniintindi ko na lang ay yung mga needs at mga importanteng bagay,” pahayag ni Atak.

Naging very careful din daw ang komedyante sa mga nakikipagkilalang lalaki sa kanya.

“Careful na talaga ako. Hindi na ako basta-basta pumapatol lalo na sa Facebook. Ingat na talaga ako. Minsan pag lumalabas kami ng mga friends ko sa bar may nae-encounter ako, kinikilala ko muna nang lubusan at saka sabi ko sa kanila, ‘kikilalanin muna kita.’ May lumalapit kasi talaga, eh, pero iniiwasan ko talaga,” sambit pa niya.

Eh, ano naman ang maipapangako niya sa maituturing na pangalawang pagkakataon niya sa showbiz?

“Sisikapin ko po na maging maayos na talaga ang buhay ko, na no turning back kasi alam ko na ito na talaga yung final moment ko at last chance ko na ito,” deklara pa niya.