EXCLUSIVE: Angelica Jones, gustong bumalik sa showbiz

Inamin din ni Angelica Jones na pasaway siya noon sa kanyang mga naging boyfriends.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/22/2018 9:57 AM
EXCLUSIVE: Angelica Jones, gustong bumalik sa showbiz


Photo credit to: pinoystop.com

Nami-miss na rin ng dating Laguna Board Member na si Angelica Jones ang showbiz. Nahinto siya sa paggawa ng pelikula at sa mga TV guestings nung naging isang public servant siya sa kanilang probinsya.

Huling big project na ginawa ni Angelica taong 2003 ay ang pelikulang Mr. Suave kung saan naging leading lady siya ni Vhong Navarro. Ang pelikula ay prinodyus ng Star Cinema at idinirek ni Bb. Joyce Bernal.

“Opo, sobrang nami-miss ko ang showbiz,” simula ni Angelica sa PUSH.

“Willing po akong tumanggap ng trabaho basta weekend lang po kasi may iba pa rin akong ginawa. Na-miss ko yung paghalakhak at saka sa showbiz kahit madaming intriga pero masaya,” dagdag pa niya.

Hindi raw naman siya mapili sa role. Kahit ano raw ang i-offer sa kanya basta maganda ito ay tatanggapin niya.

“Kung tatanggap ako ng role, siguro yung sister or mother role, basta serious role. Pero sa totoo lang, gusto ko pa ring gumawa ng comedy.

“Alam n’yo kung bakit? Kasi first love ko talaga ang comedy. Sa tingin ko, binoto ako ng mga tao sa Laguna dahil sa pagiging komedyante ko. Don sila natuwa sa akin kasi napakadiretso kong magsalita sa kanila,” lahad pa ng singer-comedienne.

Aminado si Angelica na malaki ang pagbabago sa personalidad niya simula nung maging board member siya.

Kuwento niya, “Yung dati pong Angelica Jones, bago pumasok sa pagiging board member, sobrang kikay, aanga-anga. So nung naging board member ako in six years, ang dami ko pong natutunan. Ang laki po nang in-improve ko.

“Tinatawag akong ‘Honorable Angelica Jones’ so pag honorable, kailangang honorable yung pakikipag-usap mo, honorable yung pananamit mo, honorable yung kilos mo.

“Parang ang hirap nga sa umpisa, eh, kasi galing ka sa pagiging komedyante. Tapos nag-aral po ako sa UP kung ano ba ang ginagawa ng isang board member, so do’n po naiba.

“Naninibago yung mga tao kasi nasanay sila na kikay ako. Pero pag nasa pulitika po ako, mahinhin yung ngiti ko. Pati kilos ko, may limitasyon na rin kasi may iniingatan na akong pangalan.”

May mga namba-bash pa rin ba sa kanya hanggang ngayon sa mali-mali niyang English?

“Ay, konti na lang po,” natatawa niyang reaksyon. “May kasabihan kasi na less talk, less mistakes, so ganun na lang ang ginagawa ko.

“Dat kasi talk lang talaga ako nang talk. Mali-mali ang English at hindi nag-iisip kasi bata pa ako noon. Pero siyempre, natututo ka naman sa pagtagal ng panahon. Pero actually, do’n ako minahal ng tao sa katangahan ko noon,” hirit pa niyang natatawa.

Bongga rin ang love life ngayon ni Angelica dahil one year and five months na sila ng kasintahang si Jojo Matias na isa ring board member ng Nueva Ecija.

“Nagdasal ako na sana bigyan ako ni Lord ng right man, tapos yon nga, dumating siya sa akin. Christian po siya, he’s very conservative and istrikto po siya.

“Actually, sa kanya lang ako tumino, eh. Nu’ng panahon ng mga naging exes ko like si Bobby Yan at yung iba pang boyfriends ko sa showbiz, pasaway ako noon.

“Kay Jojo ako naging masunuring girlfriend. Pag sinabi niyang hindi ka puwedeng lumabas, hindi talaga ako lalabas,” natatawa pa niyang pagbabahagi sa PUSH.