• Home
  • Fresh Scoops
  • Maymay Entrata, naibibili na ng fried chicken ang kanyang pamilya ngayon

Maymay Entrata, naibibili na ng fried chicken ang kanyang pamilya ngayon

Ibinahagi ni Maymay Entrata ang masayang mga pagbabago sa buhay ng kanyang pamilya ngayong isa na siyang sikat na artista.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/19/2018 8:12 AM
Maymay Entrata, naibibili na ng fried chicken ang kanyang pamilya ngayon


Photo credit: @maymay on IG (L)

Kahit inamin sa amin ni Maymay Entrata sa huli naming interbyu sa kanya na kuripot siya at talagang matipid gumastos, meron din naman daw siyang nabili para sa kanyang sarili.

Natatawa niyang kuwento, “Meron din naman po akong binili. Pero siguro mga dalawang beses lang. Bumili  po ako ng magagandang damit. Yung mga gusto kong damit na hindi ko nabibili dati. Pero hindi naman po yon luho. Kailangan ko rin po yon sa trabaho.

“Pero madalas po talagang tiis-tiis po, ganun. Kasi ang importante nga sa akin ay yung kailangan namin,” pahayag pa ng dalaga sa amin.

Hindi na binanggit ni Maymay kung magkano ang halaga ng magagandang damit na kanyang nabili para sa sarili.

Ibinahagi rin ni Maymay sa amin ang kuwento tungkol sa paborito nilang pagkain – ang fried chicken.

Hindi raw nila ito nakakain noon dahil sa sobrang hirap ng buhay pero pagkatapos niyang lumabas ng Pinoy Big Brother house at nagkaroon ng trabaho ay madalas na raw  itong kainin.

“Nakakain na namin yung gusto naming kainin like yung fried chicken kasi pang-birthday lang naman yon  sa amin dati.  Tapos ngayon parang… natutuwa lang ako na halos araw-araw na silang kumakain noon.

“Kung ano yung gusto nilang kainin nakakain na nila. Nung una pong nakakabili na kami ng chicken, araw-araw yon ang kinakain namin talaga,” kuwento ulit ni Maymay.

Isa pa sa mga nabago sa buhay ni Maymay ay mas naging conscious na siya sa kanyang looks dahil na din sa ilang ineendorso niya na beauty products tulad ng Megan Peel-Off Mask. Vain ba talaga siya in real life? 

“Hindi po talaga,” pag-amin niya. “Simula lang po nung maging public figure na ako saka lang ako naging ganun. Kaya nga po dahil sa mga beauty products na ini-endorse ko at ipinagkatiwala sa akin mas nagkaroon ako ng kompiyansa sa sarili ko at mas naalagaan ko na rin yung sarili ko,” huling pahayag ng dalaga sa PUSH.