• Home
  • Fresh Scoops
  • Alessandra de Rossi chases ‘death’ while shooting ‘Through Night and Day’ in Iceland

Alessandra de Rossi chases ‘death’ while shooting ‘Through Night and Day’ in Iceland

Nagka-hypothermia si Alessandra de Rossi habang nagsu-shooting sa Iceland.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/10/2018 9:36 AM
Alessandra de Rossi chases ‘death’ while shooting ‘Through Night and Day’ in Iceland


Photo credit to: @msderossi IG

Matindi pala ang pinagdaanan ni Alessandra de Rossi habang sinusyuting ang pelikulang Through Night and Day sa Iceland kasama si Paolo Contis.

Ayon sa director ng pelikula na si Veronica Velasco, muntik nang ikamatay ni Alessandra ang isang eksena na kinunan sa Iceland dahil sa sobrang lamig ng panahon.

Ang naturang eksena raw ay sa isang hot spring lagoon na hindi naman daw talaga “hot” ang tubig kungdi napakalamig din.

That time ay nasa negative 10 degrees din ang weather at talagang nanginginig na sila sa lamig.

Kuwento pa ni Direk Veronica, sinunod lang niya ang nakasulat sa script na kailangang mag-swimming ni Alessandra sa isang lagoon.

Nang lumusong na si Alex (palayaw ni Alessandra) sa tubig ay napansin na nilang nahihirapan ito dahil sa panginginig sa ginaw. Tinapos daw kaagad nila ang eksena dahil baka raw mapatay pa nila ang aktres.

“Ang layo pa ng pool, kailangang mag-trek ng 15 to 30 minutes, so, kung may mangyari sa kanya, hindi namin siya mara-rush sa ospital, maglalakad pa kami,” kwento pa ng director sa entertainment press na dumalo sa Through Night and Day mediacon.

Reaksyon naman ni Alex, “Ganu’n pala ang pakiramdam ng parang hypothermia. Akala ko parang manginginig ka lang, tapos mamamatay ka, hindi pala siya ganu’n.”

Inamin din ni Alessandra na talagang hindi na siya makahinga at parang tumitigil ang tibok ng kanyang puso.

“Kahit nung umalis na ako sa tubig at nasa kwarto na ako, sobrang nanginginig pa rin ako sa lamig,” dagdag pa ng aktres.

Habang nasa lagoon ay naisip na rin daw niya na baka time of death na niya talaga.

“Sabi ko, ‘My God, mamamatay ako. Lord, pwede bang paabutin mo ako sa Baguio kasi may eight days pa kami don?’ Kasi talagang wala na, hindi ko na makontrol ang katawan ko.

“Nagsye-shake na talaga siya, as in, hindi ko na mahubad ‘yung suot kong basa (damit). Tapos niyayakap lang nila ako, tapos, kumot. Lahat ng body heat, nilalagay sa akin kasi feeling nila, mamamatay na ako kasi hindi ako makahinga talaga,” pag-alala pa ni Alex sa nangyari.

Marami nang ginawang pelikula si Alex pero first time daw na nangyari sa kanya na halos mamatay na kaya itinuturing niyang second life ang meron siya ngayon.

Sa kabila ng pinagdaanan ni Alessandra ay nakita naman ni Direk Veronica kung gaano ka-professional ang aktres.

Samantala, ang Through Night and Day ay kwento nina Ben (Paolo) and Jen (Alex) na matagal nang magkarelasyon at bago magpakasal ay nagpunta muna sa kanilang lifelong dream destination—ang Iceland.

Habang magkasamang nagbabakasyon ay nasubukan ang tatag ng kanilang relasyon.

Ang istorya ng Through Night and Day ay si Alex din mismo ang sumulat. Showing na ang pelikula sa November 14.