Vice Ganda at Anne Curtis, inaming minsan nang nagkasagutan

Vice Ganda and Anne Curtis said that the It’s Showtime director had to mediate during their ‘fight.’

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

10/22/2018 9:06 PM
Vice Ganda at Anne Curtis, inaming minsan nang nagkasagutan


Photo credit: @annecurtissmith (L) @praybeytbenjamin (R) on IG

 

Sa halos isang dekadang pagsasama nina Vice Ganda at Anne Curtis sa noontime show na It’s Showtime, inamin nilang minsan na rin silang nagtalo at nagkasagutan.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi nilang dahil sa watermelon shake kung kaya sila nag-away at kinailangan pa silang awatin ng director ng It’s Showtime.

Kwento ni Vice, natapon ni Anne ang kanyang shake sa mesa at natapon din ito sa kanyang sapatos.

Sinabihan daw siya ni Anne na, ‘Kasalanan mo, nilagay mo diyan, e!’

“Nagpintig talaga ‘yung tenga ko. Sabi ko, ‘Hindi ka puwedeng mag-sorry man lang?’ ‘Ba’t ako mag-so-sorry nilagay mo ‘yan diyan?’” dagdag ni Vice.

“Hoy, nag-sorry ako! Sabi ko, ‘Sorry, sis!’” paliwanag ni Anne.

Nagboluntaryo naman si Anne na palitan ang shake ngunit humindi na si Vice dahil galit pa siya sa panahong iyon.

Ani Vice sa kanya, “Shake lang nagkakaganyan ka?”

“Umiyak! Ang ending, ako ‘yung nag-sorry! Dahil sa watermelon shake na natapon, kailangan pa bumaba ng direktor para awatin kami,” sambit ng komedyante.

Hindi lang naman daw iyon ang unang beses na nagtalo sila. Buking din ni Vice, nagte-text si Anne ng mahahabang mensahe tuwing hindi sila okay.

“Mambubuwisit. Pero ‘pag nabuwisit ‘yung binubuwisit niya, siya ‘yung iiyak, ang ending, siya pa ‘yung susuyuin!”

“Kapal ng mukha mo! Tapos magwo-walk out, tapos iti-text mo kami ni Vhong ng mahabang-mahabang Ingles. Akala mo naman, binabasa namin. ‘From now on, huwag na huwag na tayong magbibiruan’ — may mga ganyan pa siya!” ani Vice habang natatawa naman si Anne.

Kinalaunan ay napagtanto nilang parte ito ng kanilang relasyon bilang hindi na lamang magkaibigan ang kanilang turingan sa isa’t isa kung hindi kapamilya na rin.

“Ang sarap din pagtawanan ngayon, kasi parang na-feel ko… ‘Di ba ‘pag magkakapatid, kailangan may ganun, e? Ganun ‘yung love, e,” sambit ni Vice.

“‘Pag hindi nagkakasamaan ng loob, parang hindi ganun kalalim ang relasyon niyo. Parang hindi tayo magkakaibigan, parang magkakatrabaho lang. At ayaw natin ng magkakatrabaho lang, kailangan family. Best of friends,” dagdag ni Anne.