• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Charles Kieron masaya na nabibigyan ng break ang love team nila ni Vivoree Esclito

EXCLUSIVE: Charles Kieron masaya na nabibigyan ng break ang love team nila ni Vivoree Esclito

Blessing para kay Charles Kieron na nakilala niya si Vivoree Esclito.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/20/2018 9:53 AM
EXCLUSIVE: Charles Kieron masaya na nabibigyan ng break ang love team nila ni Vivoree Esclito


Tuluy-tuloy ang pag-angat ng tambalan nina Charles Kieron (CK) ng Hashtags at ng former Pinoy Big Brother teen housemate na si Vivoree Esclito.

Pagkatapos i-introduce ng kanilang love team sa teleseryeng Since I Found You ay naging part din sila ng afternoon series na Asintado. Ngayon ay bida na ang dalawa sa Wansapanataym Maniken ni Monika na pinagbibidahan din ni Jerome Ponce at napapanood tuwing Linggo ng gabi sa ABS-CBN.

“Ang saya lang po na nabibigyan na kami ng break,” nakangiting simula ni CK sa PUSH.

“Ang saya din po na hindi mo na iisipin yung pressure pagdating sa teleserye kasi may nakakausap ka, may kasama ka, alam n’yong nagsu-support kayo sa isa’t isa,” dugtong niya.

Para kay CK, isang malaking blessing na nakilala niya si Vivoree.

Aniya, “Bago lang po yung tandem namin, sa Since I Found You lang po nag-start yung love team namin. Sa sobrang dami po ng mga sikat na love team… pero nabigyan na po kami ng chance.

“Sobrang blessing po para sa amin ni Vivoree na nagkakilala kami. Hindi namin ini-expect na mamahalin kami ng tao.”

Aminado rin ang binata na hindi sila kaagad naging komportabe ng ka-love team.

“Sa umpisa po naming pagsasama medyo nagkakahiyaan pa kami kasi hindi naman kami nakakapag-usap. Hindi po talaga namin kilala yung isa’t isa, sa PBB ko lang siya nakikita. Happy po kami na ito na po yung nangyayari with fans po namin,” sambit pa niya.

Nang tanungin namin kung may nararamdaman ba siyang attraction kay Vivoree ay napangiti lang si CK.

“Hindi naman po kailangang pigilan, siguro kung ano yung magiging flow ng mangyari sa aming dalawa kasi pangit naman po kung pilit. Siyempre, kailangan po naming maging natural sa sarili namin kaya ganun po kami kakomportable, di ba, kapag magkasama kami.

“Maganda po si Vivoree and sobrang ganda rin ng personality niya and mabilis po siyang katrabaho, makasama. Magaan po yung pagsasama namin dalawa lalo na dito sa Wansapanataym,” pahayag pa niya.

Eh, ano bang katangian ni Vivoree ang nagustuhan niya?

“Yung personality niya po,” sagot agad ng binata. “Parehas po kami ng personality, parehong masayahin.

“Kapag pinagsama po kami no dull moments po talaga. Tinutulungan din po niya ako sa script, kung anong dapat kong gawin. Mas may experience po kasi siya compared sa akin kasi nakapag-workshop siya.”

Aminado naman ang binata na hindi naiwasang mag-alala siya nung mga panahong sa It’s Showtime lang siya napapanood kasama ang Hashtags dahil wala pa siyang ibang projects.

“Siyempre po may konting worry din, pero kasi ang iniisip ko rin is nag-start pa lang ako and pag time ko po talaga yon po talaga yung magbibigay sa yo ng mga projects.

“Marami po kasi sa amin na, hindi naman sa nagmamadali pero sa sobrang tagal na namin sa Hashtags kailangan din po naming mag-explore. Kumbaga, mag-try din po ng ibang bagay and thankful naman po kami sa mga blessings na dumadating sa amin – sa grupo namin and as individuals po,” huling pahayag ni CK sa PUSH.