• Home
  • Fresh Scoops
  • Jerome Ponce malaki ang pasasalamat sa pagiging bahagi ng 'The Good Son'

Jerome Ponce malaki ang pasasalamat sa pagiging bahagi ng 'The Good Son'

Hindi akalain ni Jerome Ponce na papalarin siyang manalo bilang Best Actor para sa kanyang pagganap bilang si Enzo sa 'The Good Son.'

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/17/2018 1:09 PM
Jerome Ponce malaki ang pasasalamat sa pagiging bahagi ng 'The Good Son'


Katabi namin sa upuan si Jerome Ponce bago tawagin ang pangalan niya bilang winner ng Best Drama Actor category sa 32nd PM PC Star Awards for Television kaya kitang-kita namin ang reaksyon niya when his name was called.

Parang hindi makapaniwala si Jerome na napansin ng PMPC ang husay niya sa pagganap bilang Enzo sa The Good Son, na nanalo ring Best  Primetime  Drama Series sa Star Awards.

“Nung nakita ko kasi yung ibang mga nominees, ang dami namin, at feeling ko wala talaga akong laban sa kanila kasi yung iba don talagang magagaling,” bulalas ni Jerome sa aming kuwentuhan.

“Iba pala yung  feeling na umaakyat ka ng stage tapos tumatanggap ka ng acting award. Para kang lumulutang sa hangin, unexplainable, hindi ko alam yung pakiramdam,” hirit pa ni Jerome.

Pinasalamatan  din ni Jerome sa kanyang speech ang production team ng Dreamscape sa tiwalang ibinigay sa kanya para gampanan ang role ni  Enzo sa  The Good Son.

READ: Jerome Ponce reveals Elmo Magalona was supposed to play his role in 'The Good Son' 

“Sobrang laki ng  pasasalamat ko sa kanila, sa mga kasamahan ko sa The Good  Son at sa direktor ko. Nagbunga yung mga  pagalit nila sa akin kasi gusto lang nila na maging maayos talaga yung trabaho ko. I’m very grateful, salamat sa kanila,” sambit pa niya.

Ginunita rin ni Jerome ang kanyang pinagmulan bago siya naging isang award-winning actor. Sa kanyang acceptance speech ay personal din niya kaming pinasalamatan.

Aniya, “Siyempre, sobra ang pasasalamat ko sa ‘yo Kuya Leo. Ikaw ang mentor ko, discoverer at dati kong talent manager. Na-discover mo ako na naglalaro lang sa isang computer shop sa Sta. Mesa at nakitaan mo ako ng potensyal. Hindi ko naman yon nakakalimutan hanggang ngayon. Malaking bahagi ka ng kung anuman ang naa-achieve ko ngayon.”


Ayon pa sa award-winning actor, magsisilbing inspirasyon ang kauna-unahan niyang acting award para lalo pang pagbutihin ang  kanyang trabaho bilang actor.

“Mas inspired ako ngayon kasi na-recognize ng PMPC ang hard work ko. Yung motivation ko to work harder mas tumaas, kumbaga.

“Hanggang ngayon talaga parang  hindi pa rin nagsi-sink-in sa akin at  hindi ako makapaniwala. Gusto kong maiyak kasi ang daming nagko-congratulate sa akin. Sabi nila, well-deserved win daw. Nakakatuwa kasi ang daming nagte-text. Very overwhelming,”  medyo emosyonal pa niyang pahayag.

Samantala,  may ginagawang bagong series sa ABS-CBN si Jerome Ponce na ayaw pa niyang banggitin ang title. Mapapanood din daw siya sa 2018 Metro Manila Film Festival entry na Otlum bilang bida kasama  si Ricci Rivero.