• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: James Blanco, nag-react sa pagkapanalo ng una niyang acting award

EXCLUSIVE: James Blanco, nag-react sa pagkapanalo ng una niyang acting award

Tuloy pa din ang balak ni James Blanco na sa New Zealand ipapaaral ang mga anak.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/17/2018 9:42 AM
EXCLUSIVE: James Blanco, nag-react sa pagkapanalo ng una niyang acting award


Unang acting award ni James Blanco ang napanalong trophy sa PMPC Star Awards for Television para sa kategoryang Best Single Performance by an Actor. Napansin ng Star Awards ang galing ni James sa pagganap niya bilang isang tatay na pabalik-balik sa paggamit ng droga sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya.

“Palagi lang akong nominated noon, pero ngayon lang ako nanalo ng ganitong major acting award,” bulalas ni James.

“Yung ganitong award parang bonus na sa akin. Basta ang lagi kong iniisip kapag nano-nominate ako, gift na yon sa akin, eh. Madalas kasi sa movies nano-nominate din. First time ko sa TV, kaya medyo nakakatuwa.

“Ang unang-unang nagbigay sa akin ng award noon ay PMPC rin, Best New Male TV Personality yon, kaya after 18 years bumalik na naman ako dito, sa bagong nominasyon kaya nakakatuwa,” dagdag niyang pahayag.

Ayon pa kay James, malaki ang pasasalamat niya sa ABS-CBN at sa MMK na sa kanya ipinagkatiwala ang role ng isang tatay na drug addict.

“Sobrang pasasalamat ko kasi ang daming artista na puwede nilang bigyan ng ganung role. Hindi naman din ako artista ng ABS (CBN). Kaya napakalaki ng pasasaamat ko, unang-una na siyempre kay Direk Nuel Naval at sa MMK,” pahayag niya.

Sa palagay niya, ano ba ang nagagawa ng acting award para sa isang artistang katulad niya?

“Mas gaganahan ka lalong pag-igihan ang trabaho. Lalo mong pinagbubuti, lalo kang nai-inspire,” kaswal niyang reaksyon.

Samantala, tuloy pa rin ang plano ni James at ng asawa niya na dalhin sa New Zealand ang kanilang mga anak para doon na mag-aral.

“Sa amin naman kasi, yung mga bata gusto talagang mag-aral sa New Zealand. Ako naman, kami ng wife ko dito pa rin sa Pilipinas.

“May ginagawa naman kaming negosyo, so napag-usapan naming mag-asawa, habang nag-aaral ang mga bata at wala pang trabaho, nandon ako. Kapag may trabaho na, babalik ako dito.

“Hopefully, next year pupunta na sila don, gusto nang mag-aral ng mga bata. Citizen naman yung wife ko, don pinanganak sa New Zealand,” kuwento pa niya.

Wala rin daw siyang balak iwanan ang pag-aartista at tuluyan nang mag-migrate sa New Zealand.

“Hindi ko naman iiwan itong industriyang mahal na mahal ko. Even naman yung mga anak ko, ayaw din nila. Saka very passionate talaga ako sa ginagawa ko dito,” paniniguro ng award-winning actor.