Coco Martin willing daw na mag-guest sa ‘La Luna Sangre’

BY
Kiko Escuadro

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

01/31/2018 10:38 AM
Coco Martin willing daw na mag-guest sa ‘La Luna Sangre’

 

Matapos ang mainit na pagtanggap sa gawang Pinoy na Ang Panday game app, isa muling mobile application ang inilunsad ng Synergy88 at ng ABS-CBN licensing office. Sa pakikipagtulungan ng aktor na si Coco Martin na isa sa mga partner sa proyekto ay ipinakita na ang bagong mobile app na La Luna Sangre.

Masayang ibinahagi ng aktor ang bago niyang pagkaka-abalahan kung saan makaka-relate ang mga kabataan na mahilig sa gadgets.

"Lahat naman ng tao nage-evolve. Itong bagong pinapasok natin, kabanata ito naman sa next project ko na gumagawa ng games after ng Ang Panday game app. Eto naman La Luna Sangre filter application," pagbabahagi ni Coco.

Bukod sa business, isa din ngayon sa mga aabangan kay Coco ay ang bago niyang nilulutong pelikula.

"Honestly, mayroon akong concept ngayon na gusto ko simulan sa mobile game bago ko siya gawin pelikula," sabi ni Coco.

Pagdating naman sa namamayagpag sa ratings ng primetime teleserye na FPJ's Ang Probinsyano kung saan tumatayo din si Coco bilang creative head, isang malaking hamon din daw kung paano nila tatapusin ang kuwento ni Cardo Dalisay na napalapit na sa puso ng mga Pinoy.

 

Kumapit na ang masasama dahil nandito na si Dalisay! #FPJAPPasakitan susunod na!

A post shared by Coco Martin PH (@cocomartin_ph) on

 

"Sa totoo lang, hindi namin maisip kung paano namin tatapusin. Napakarami pa nangyayari sa ating bansa, sa ating buhay which is masarap siyang ipakita sa isang soap opera," paliwanag ni Coco.

Dahil La Luna Sangre mobile filter app ang kanyang latest project, hindi din maiwasan na maitanong kay Coco kung posible ba ang kanyang pag crossover sa teleserye na pinagbibidahan ni Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

"Bakit naman hindi? Kapag hiniling nila ako mag-guest, pupunta ako doon!" sambit pa ng actor.

Simula January 31, 2018, maari nang i-download ng libre ang La Luna Sangre Mobile App sa Android at IOs devices.