• Home
  • Fresh Scoops
  • Sylvia Sanchez, goodbye muna sa ‘losyang roles’ sa ‘Mama’s Girl’
Sylvia Sanchez, goodbye muna sa ‘losyang roles’ sa ‘Mama’s Girl’
Nagpapasalamat din si Sylvia Sanchez kay Mother Lily Monteverde.
BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

1/13/2018 8:29 AM
Sylvia Sanchez, goodbye muna sa ‘losyang roles’ sa ‘Mama’s Girl’

 

Sa presscon ng Regal Entertainment movie na Mama’s Girl ay bahagyang ginunita ni Sylvia Sanchez ang pinagdaanan niya noong nagsisimula pa lang siya bilang artista.

Ayon sa kanya, ang Regal Films ni Mother Lily Monteverde ang unang nagtiwala sa kanya bilang artista. Dumaan din daw siya noon sa pagiging extra hanggang nabigyan na ng linya sa mga pelikula ng Regal.

“Kaya thankful ako sa movie na ito, kasi si Mother Lily, bumalik siya sa akin at bumalik ako sa kanya. Kung anuman yung istorya namin ni Mother sobrang kong tini-treasure yon,” simulang pahayag ni Sylvia sa PUSH.

Patuloy ng award-winning actress, “Si Mother Lily ang nagdiskubre sa akin. Pero kung ano yung kuwento namin, sobrang haba kaya huwag na lang, aabutin ng isang araw kung ikukuwento ko at hindi ko ididenay ang mga pinagdaanan ko.

“Hindi ko idi-deny ang mga pinagdaanan ko dahil ipinagmalalaki ko ito. Du’n ako lahat humugot ng tapang. Na kung meron mang nagtawa sa akin nu’n, thank you, dahil kung anuman ‘yun, sa inyo ako kumuha ng tamang lakas at tapang.

“Kasi kung wala si Mother Lily, wala rin ako. Wala si Peque Gallaga, wala si Lorie Reyes. And utang na loob ko kay Mother yon at never kong kakalimutan sa tanang buhay ko yon.”

Matitipid naman ang naging reaksyon ng Regal Entertainment producer sa parang tribute na rin sa kanya ni Sylvia.

 “Thank you. I love you, Sylvia,” sambit ni Mother Lily.

Sa pelikulang Mama’s Girl ay ginagampanan ni Sylvia ang mother ni Sofia Andres. Pero kakaibang nanay daw at malayo sa karakter niya bilang Gloria sa The Greatest Love at sa role niya ngayon sa Hanggang Saan ang pinortray niya sa pelikula.

“Groovy at saka sexy ako dito,” pagmamalaki pa niya.

“‘Yung image ko dito iba sa mga ginawa ko. Nag-i-English ako dito. Sosyal. I think ngayon, gusto ko ring makawala sa box na yon (losyang).

“Sabi ko nga, being an actor, gusto kong ipakita sa inyo na kung anong ibinibigay sa akin kaya ko. Hindi lang losyang na nanay, puwede rin akong maging mayaman. Puwede rin akong tomboy, lalaki, basta kung anong ibibigay sa akin tatrabahuhin ko naman,” katwiran pa ni Sylvia.

Palabas na sa January 17 ang Mama’s Girl at kasama rin sa pelikula sina Diego Loyzaga, Karen Reyes at marami pang Kapamilya stars. The movie is under the direction of Connie Macatuno.