Shamaine Buencamino recalls daughter’s untimely demise

Shamaine Buencamino recalls daughter’s untimely demise-PUSH TEAM
BY
PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

01/10/2018 08:35 AM
Shamaine Buencamino recalls daughter’s untimely demise

 

Sa episode ng Magandang Buhay noong January 9, inalala ng aktres na si Shamaine Buencamino ang hindi inaasahang pagpanaw ng kanyang anak na si Julia. Kuwento ni Shamaine, hindi sila kaagad naiyak nang malaman nila ang masalimuot na balita.

"Alam mo 'yung eksena kapag may namamatay sa family sa pelikula sa TV, hindi ba iyak ka kaagad? Hindi ganoon. Ang naramdaman ko parang tumahimik ang mundo. Tapos wala akong naririnig. Immediately kasi kinakausap ko siya, parang nandoon pa siya. Kinakausap ko siya. Sabi ko, 'Go with God, I love you.’”


Ngayon, tanggap din niyang wala silang naging ideya sa pinagdadaanan ng kanilang anak noong mga panahong iyon at hindi rin daw nila pinapakialaman ang diary at iba pang personal na gamit ni Julia.

"Early on, noong mga bata pa sila pinag-aawayan nila kapag sinisilip ng kuya 'yung sinusulat ng mga bata. So, parang may written rule sa bahay na you can't look. Ganoon din ang ginawa ko sa kanila na kahit nandoon lang 'yung diary ni Julia, hindi ko tinitingnan. Kung tiningnan ko lang, nakita ko, nalaman ko na mayroon siyang ini-inda, mayroon siyang sakit mula noong 12 siya.”

Pinaliwanag din ni Shamaine ang sakit na depression.

"Ang depression, most of it, wala kang nararamdaman. Hindi ka nakakaramdam ng lungkot, hindi ka nakakaramdam ng saya. Wala kang nararamdaman. May kaunting sadness, may kaunting galit, tampo sa mundo, feeling of being small or unworthy, pero malaki pala ang portion na wala ka lang talagang nararamdaman," aniya.

Payo niya kung naramdaman mo na ito ng mahigit dalawang linggo, mainam na magpatingin na sa doktor. Inalala din niya ang huling sandali bago wakasan ni Julia ang sarili niyang buhay.

"Noong araw na 'yon, bago ako umalis, may rehearsal ako, kagigising niya lang kasi may taping siya for Oh My G! Nasa taas siya, sabi ko sa kanya, 'Kumakin ka na sa baba.' By the time I left nagtanong siya, 'Anong oras ka babalik?' Usually ganoon nagtatanong siya, nasa phone siya. I don't know if you know this but for those suicidal people who have decided to take their lives, they are actually happy during their last day or hours. Kasi mabigat ito sa kanila. In Julia's case tatlong taon niya itong dinala, so noong nag-decide siya noong araw na 'yon, it's almost a release for them. So masaya siya noong araw na 'yon, hindi siya 'yung umiiyak o nagkukulong. Hindi siya 'yung ganoon na umiiyak o nagkukulong ng grabe, malungkot tulad ng ibang tao na akala ko ay teenage angst lang," kwento niya.

Nang mawala ang kanilang anak, humina rin ang loob ng mag-asawang Shamaine at Nonie Buencamino. Araw-araw silang nagsisimba magmula noon upang makakuha rin ng lakas.

"Kasi paggising mo lang sa umaga para kang nakukuryente na parang ayaw mo ng mabuhay din. So magsisimba kami agad tapos yon ang aming strength the whole day.”

Ipina-psychological autopsy din nila ang mga gamit ni Julia at nalamang mayroon siyang borderline personality disorder (BPD). 

“That's why they call it the invisible illness because any person who is suffering from depression or bipolar they can hide it parang normal lang... they hide it because of the stigma. (…) Ang ano ko nga noon sana sinabi ng anak ko. Bakit di niya sinabi, ganoon bang magulang ako na 'di niya sinabi ang sakit niya. Kapag masakit naman ang tiyan niya sinasabi niya sa akin. Sabi ko dapat kapag ang bata kapag mayroon silang nightmare, bad thoughts kailangang sabihin sa magulang. The flip side of it as parents, in denial na mangyayari 'yon sa anak natin... Hindi ko naisip na mangyayari 'yon kasi ang tingin ko sa pamilya ko normal. Normal kami, masaya kami, nag-usap kami. Tinatanong namin kung may boyfriend siya, may crush ba siya, nasasabi niya sa amin pero 'di pala sa lahat ng bagay.”

Mula noon ay nagkaroon na sila ng advocacy at sinimulan ang Bench project.

"Ang bench ay isa lang sa mga projects ng Julia Buencamino Project. 'Yung bench actually that was a suggestion of a friend. In other countries kasi mayroon silang ginawang (research) na kapag ang bata ay malungkot sa recess nauupo siya sa bench. It's a signal to other kids na I need a friend, I'm alone. So mas madali, mas mabilis makakuha ng kaibigan 'yung mga batang nauupo. The bench is more like a symbol and a reminder when we bring it to school parang reminder sa kanila na kung mayrooon kang ganitong experience, kung nalulungkot ka ng sobra or you have a depression, huwag mong mag-isang kargahin kailangang may sabihan ka na mas matanda," paliwanag niya.

Sa huli ay hindi napigilan ni Shamaine na maiyak at sinabi ang kanyang mensahe para sa anak.

"Ang mensahe ko kay Julia... mahal na mahal kita anak, alam ko nandiyan ka lang. Alam ko magkikita tayo kaya pinipilit kong maging mabuti. Alam ko hindi mo kasalanan na may sakit ka at ginagawa ko ito ang pagsalita sa TV para sa iyo, para sa mga kaibigan mo, para sa mga batang katulad mo.”