• Home
  • Fresh Scoops
  • Teejay Marquez, aminadong pumapangalawa lang siya sa kasikatan ni Christian Bautista sa Indonesia

Teejay Marquez, aminadong pumapangalawa lang siya sa kasikatan ni Christian Bautista sa Indonesia

Pangarap pa din ni Teejay Marquez na maging sikat sa sariling bansa.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

9/6/2017 11:49 AM
Teejay Marquez, aminadong pumapangalawa lang siya sa kasikatan ni Christian Bautista sa Indonesia


Photo credits to teejaymarquez IG

 

Pumirma ng movie contract sa Regal Films si Teejay Marquez na mas naunang nakilala sa Indonesia kesa dito sa Pilipinas.

Nagsimula ang kasikatan ni Teejay sa Indonesia last year nang ma-invite siya sa bansa dahil sa mga dubsmash video na ginawa niya noon na napapanood sa YouTube.

Kuwento ng binata, “Akala ko noong una, commercial lang talaga ang gagawin ko do’n pero mainit po ‘yung pagtanggap ng mga taga-Indonesia sa akin du’n kaya ginawa po nila akong celebrity.

“Nakagawa po ako do’n ng mga teleserye, parang mga short TV films like Wattpad and pelikula rin po na ang title po ay Dubsmash The Movie at sobrang surreal po and unexpected pero talagang tuwang-tuwa po ako sa nangyari sa akin last year sa Indonesia.”

Simula raw noon ay naging in-demand na siya sa Indonesia at gusto ng kunin ng iba’t ibang TV stations.

“Nagulat lang po ako na parang, ‘Wow, ito yung inaasam-asam ko sa Pilipinas na pagod, pero dito ko pa na-experience sa Indonesia.’

“Pero siguro, pinaghahanda lang ako ng Indonesia, at least kung magawa ko man sa Pilipinas, alam ko na po ‘yung pakiramdam,” kuwento niya.

Patuloy ni Teejay, “Sabi ko nga, parang ako na yata ang James Dean at Daniel (Padilla) dito sa Indonesia. Eh, kasi dire-diretso po ang trabaho, eh.”

Bago si Teejay ay naunang sumikat si Christian Bautista sa Indonesia at aminado siyang mas sikat pa rin doon hanggang ngayon ang singer.

“Si Christian yung talagang kahit nasa taxi po ako do’n, pinapatugtog po ‘yung mga kanta niya. Tapos pag nalaman niya (taxi driver) na, ‘Oh, you’re Teejay, you know Christian?’ ganu’n po ‘yung tanong lagi sa akin ng tao. Every time po na may nagtatanong sa akin, kinakumusta nila si Sir Christian Bautista.

“At saka pag nando’n ako, nakikita ko sa TV, lumalabas si Christian, may concert daw siya, may event sa ganito, talagang parang isa na rin po siyang artista ng Indonesia,” kuwento ulit niTeejay.

Umaasa naman ang binata na sa pagpirma niya ng kontrata sa kompanya nina Mother Lily at Roselle Monteverde ay matutupad na rin ang pangarap niyang sumikat sa sariling bansa.

“Isa po ito sa pangarap ng lahat ng nag-aartista at ako po’y napakasaya na nabigyan po ako ng pagkakataon ni Mother Lily na maging parte po ng Regal Millennial Baby. And yun po, umaapaw lang po ang kasiyahan at pasasalamat ko,” sabi pa niya.