EXCLUSIVE: Joshua Garcia sa unang acting award: ‘Dream ko rin po talaga ito’

Joshua Garcia, inaming di ini-expect na mananalo ng award.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

09/06/2017 10:23 AM
EXCLUSIVE: Joshua Garcia sa unang acting award: ‘Dream ko rin po talaga ito’

 

Hindi makapaniwala si Joshua Garcia, bida ng pelikulang Love You To The Stars And Back (with Julia Barretto) na may hawak siyang trophy nang makausap siya ng PUSH habang ongoing pa ang 33rd PMPC Star Awards For Movies na ginanap sa Resorts World Manila nu’ng September 3.

Si Joshua ang tinanghal na New Movie Actor of the Year ng PMPC dahil sa mahusay niyang pagganap sa pelikulang Vince and Kath and James ng Star Cinema.


Tinalo ni Joshua ang iba pang mga nominado sa naturang kategorya tulad nina Ronnie Alonte, Christian Bables, Awra Briguela, Michael Pangilinan, Onyok Pineda at Darwin Yu.

Ano ba ang pakiramdam na finally meron na siyang acting award?

“Sobrang saya. Sobrang overwhelmed kasi first award ko ito. Sana hindi lang ito ang matanggap ko,” pabirong pahayag ng aktor sa PUSH.

Ayon pa kay Joshua, napakahalaga para sa kanya na nare-recognize ang kakayahan niya bilang aktor.

“Importante ’to sa akin kasi yung paghihirap ko, gusto ko rin kahit papaano na mapansin nila. And yung mga ganitong award dream ko rin po talaga ito.

“Bukod sa gusto kong maging inspirasyon ako at gusto kong makapagpasaya, makapagpaiyak, makapagpakilig ng mga tao, eh, gusto ko rin ma-awardan. Lahat naman siguro ng artista, gustong makakuha ng award,” sambit ni Joshua.

Inamin ng binata na hindi niya ini-expect na mananalo siya sa Star Awards. Mas nag-expect daw siya noon sa Metro Manila Film Festival.

“Sa MMFF medyo nag-expect ako, hindi lang nanalo,” pahayag niya.

“Pero okey lang, at least nominated pa rin ako. Yon naman ang importante don, yung kinilala pa rin nila yung nagawa ko,” dagdag niya.

Kuwento pa ni Joshua, ang tatay niya ang unang nag-congratulate sa kanya ng manalo siya ng award.

“Binati agad ako ng papa ko kasi nabalitaan niya. Tapos si Julia. Tapos handler ko at si Direk Tonette (Antoinette Jadaone).

Ipinangako naman ni Joshua na lalo niyang pagbubutihin ang kanyang trabaho ngayong meron na siyang award.

Aniya, “Mas magiging inspirasyon ko ito at motivation ko po ito na mas gagalingan ko pa.

“Kasi mas marami ng nakatingin kaya mas kailangan kong i-ano yung expectations. Yon ang nakakatakot. Nakakakaba yon,” pahayag pa ng binata na kasama rin sa cast ng The Good Son ng Dreamscape Entertainment na ipapalabas soon sa ABS-CBN.