• Home
  • Fresh Scoops
  • Idinetalye ni Noven Belleza kung paano naapektuhan ang kanyang buhay dahil sa kasong isinampa laban sa kanya.

Noven Belleza ibinahagi kung ano ang natutunan sa kinasangkutang kontrobersya

Idinetalye ni Noven Belleza kung paano naapektuhan ang kanyang buhay dahil sa kasong isinampa laban sa kanya.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

09/30/2017 10:36 AM
Noven Belleza ibinahagi kung ano ang natutunan sa kinasangkutang kontrobersya

 

Nai-launch na rin finally ang debut album ni Tawag Ng Tanghalang Grand Champion Noven Belleza na na-delay nang konti dahil sa isyung kinasangkutan ng singer kamakailan lang involving a girl sa isang bar sa Cebu.

Ang title ng album ni Noven ay Ako’y Sa ‘Yo at ang unang carrier single nito ay kantang “Tumahan Ka Na” na komposisyon ni Vehnee Saturno.


Tapos na ang kontrobersya sa buhay ni Noven kaya bagay sa kanya ang kantang “Tumahan Ka Na”. Sino ba ang mga kinapitan niya noon bukod sa Diyos sa panahong biglang nagulo ang buhay niya dahil sa isyu?

“Ako po, during nung time na yon, kinapitan ko po yung magulang ko po at pamilya ko,” malumanay niyang sagot.

“Araw-araw silang tumatawag, kahit wala sila dito at ako lang mag-isa. Araw-araw na nangungumusta. ‘Ituloy mo lang, nandito lang kami nakasuporta.’

“Ang pangalawang family ko po dito ay yung mga staff ng Tawag ng Tanghalan. Hindi nila ako pinabayaan kasi alam nila na… Yung apektado talaga hindi naman ako, ey, yung magulang ko kasi sila yung lubos na nakakikilala sa akin. Hindi sila naniniwala na gagawin ko yon kasi may mga kapatid din akong babae,” tuluy-tuloy pa niyang pahayag.

Ibinahagi rin sa PUSH ni Noven ang mga natutunan niya sa nangyari.

Aniya, “Lubos ko pong naintindihan na, ‘Ah, hindi na pala ako ang dating Noven na puwedeng gumala-gala kung saan-saan.’

“Tapos ngayon po, natutunan ko po na huwag nang basta magtiwala agad sa tao na hindi mo kilala at dapat pipiliin ang taong pagkakatiwalaan at sasamahan.”

Inamin din ng binata na naapektuhan ang girlfriend niya ng kasong isinampa sa kanya pero naayos din daw naman ito agad.

“Naapektuhan po, pero sa tagal na po namin hindi po siya basta-basta naniwala. Inalam niya po kung ano talaga ang nangyari. Naayos po namin.”

Samantala, kahit na-dismiss na ng korte ang sexual harassment case na isinampa laban sa kanya ng dati ring TNT contender from Cebu ay wala na raw siyang balak makipagkaibigan dito.

“Pagkatapos pong ma-dismiss yung kaso, hindi na kami nagkita, hindi na rin kami nagkausap.”

Eh, what if mag-sorry?

“Hindi na po. Kasi ayoko nang ano… gusto ko ng kalimutan yung nangyari. Ang laki ng dinulot niya (gulo) sa pamilya ko, hindi lang sa akin.”

Nilinaw din niya na walang nangyaring aregulahan kaya na-dismiss ang kaso.

“Ay, ayoko po ng areglo. Wala pong nangyari ganu’n. Kasi nilaban ko sa korte yung kaso, e,” reaksyon pa niya.

Hindi naman naitinanggi ni Noven na naisip din niya noon na mag-quit na lang sa pagkanta dahil ang akala niya ay hindi na matatapos ang negative issue sa kanya.

“Sabi ko sa sarili ko, ‘Ano ba itong nangyayari sa akin?’ Kung kailan ka kayod nang kayod para guminhawa yung buhay mo do’n ka naman sinusubok. Dahil sa mga pag-i-encourage ng family ko, ng fans ko, ng management, siyempre sila yung nakakakilala sa akin, eh, ayun po, nabuhayan ako.

“Parang gusto ko nang sumuko noon. Sabi ko sa sarili ko, dati nagdidildil lang ako ng asin, noon wala ito, eh. Sinasabi naman nila na ganyan talaga ang buhay kapag pumasok ka sa showbiz,” sey pa niya.

Kasama rin sa Ako’y Sa ‘Yo album ni Noven ang mga kantang “Lupa”, “Sino Ako”, “Problemang Puso” at ang OPM classic ni Rey Valera na “Kung Kailangan Mo Ako”. Ang kanta namang “Nais Kong Ibalik” na komposisyon ni Jonathan Manalo ang second carrier single ni Noven.