Proud at excited na din si 2005 Miss International Precious Lara Quigaman para sa nalalapit na laban ni 2017 Binibining Pilipinas International Mariel De Leon ngayong darating na November sa Japan.
Kuwento ni Lara, ready na para sa kanya ang pambato ng Pilipinas.
"Sobrang napaghandaan na niya ang Miss International kasi lahat ng sumasali sa Binibining Pilipinas ay talagang ready na sila. So pagdating ng International pageant ang kailangan na lang niya gawin ay i-enjoy, pray, and seek God first before anything," sabi pa ni Lara.
Dahil isa ang Miss International sa may matatagal na oras ng programa ng coronation night, may espesyal na tip din si Lara para kay Mariel.
"Kailangan mo kumakain ng chocolate, yun talaga ang sikreto. During my time nga ang tawag sa akin is Ms. Chocolate kasi ako yung tagabigay ng chocolate sa mga girls. Kasi karamihan talaga hindi kumakain and kalagitnaan ng pageant hinihimatay so kailangan talaga ng chocolate kasi hindi ka naman tataba in one day," ani pa ni Lara.
Bukod sa tip ng pagkain ng chocolate sa pageant night, mas importante din umano sa Miss International ang pagsasapuso ng kanyang winning speech.
"Kailangan lang talaga from the heart, hindi mo din kailangan isipin kung ma-impress yung mga tao, ang isipin talaga dapat muna ay kung ano ang laman ng puso mo kasi nakikita talaga ng mga judges yung sincerity ng isang tao," pahayag pa ni Lara.
Kung papalarin, magiging pampito si Mariel na Pilipina na makakapag-uwi ng karangalan mula sa Miss International beauty pageant.