• Home
  • Fresh Scoops
  • Sinabi ni Ai-Ai na hindi pera ang batayan ng kanilang pagmamahalan ni Gerald.

Ai-Ai delas Alas on having a prenup agreement with fiancé Gerald Sibayan: ‘Para wala na siyang basher’

Sinabi ni Ai-Ai na hindi pera ang batayan ng kanilang pagmamahalan ni Gerald.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

09/20/2017 11:53 PM
Ai-Ai delas Alas on having a prenup agreement with fiancé Gerald Sibayan: ‘Para wala na siyang basher’
Photo credits to @msaiaidelasalas IG

 

Bukod sa pagpo-promote ng pelikulang Bes and the Beshies ng Cineko Productions ay abala rin ngayon ang Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas sa paghahanda para sa nalalapit niyang kasal sa boyfriend na si Gerald Sibayan. Nakatakda ang ganapin ang kanilang church wedding on Dec. 12 sa isang simbahan sa Quezon City.

Sa pagharap ni Ai-Ai sa pocket presscon ng kanyang pelikula, naibahagi niya ang experience na magkaroon ng prenup shoot sa kauna-unahang pagkakataon.


“First time ko nag-prenup, masaya at saka parang feeling ko dalaga ako,” kinikilig niyang kuwento.

“Nagkukwentuhan kami ni hubby ng masaya so yung prenup masayang tingnan. Thank you Lord, may forever ako.

“Ngayon kasi, kaya ako magpapakasal kasi mahal ko si Gerald and gusto naming magsama forever. Noon kasi, maraming mga hidden agenda kung bakit gusto kong magpakasal – gusto kong mang-inis don sa babaing nanggugulo sa amin dati -- pero nakarma din ako no’n.

“But this time, all out of love. Dati kasi maraming dahilan na hindi yung tamang dahilan na mahal ko si Gerald, ganyan, o mahal ko yung magiging asawa ko,” bulalas ni Ai-Ai sa ilang entertainment press.

Nabanggit din ni Ai-Ai na dumadaan siya ngayon sa maraming proseso bilang paghahanda sa church wedding.

“Ang dami palang kailangan. Tsaka kasi, pangatlong marriage ko ‘to although first marriage ko sa church, pero pag ganun meron pa akong mga sariling seminar-seminar. Tapos meron kaming dalawa, tapos meron pa akong solo, tapos meron pa kami na isa pa uli… First real and right ko to,” sambit pa niya.

Ano ba ang natutunan niya sa dalawang failed relationship niya noon?

“Marami. Kasi pag naumpisahan mo na mali, matatapos na mali, eh. Pareho yon, eh, na nag-start ng mali. Kasi may mga third party involved,” sagot niya.

Sunod na tinanong namin kay Ai-Ai ay kung natuloy ba na magkaroon sila ng prenuptial agreement ni Gerald.

Sabi ng aktres, “Meron kami kaya lang confidential. Hindi pinag-uusapan dapat. Ayaw ng lawyer.

“So, meron pero hanggang do’n lang ang puwedeng sabihin kasi sabi nu’ng lawyer it’s confidential, if ever na magtanong sila sabihin mo na lang, ‘oo pero no detail.’”

Pero sino ba ang nag-initiate about the prenup agreement?

“Usually naman yung nanay ko ang parating may gusto and yung family din ni Gerald. Pero wala naman talaga yon. And yung sa ganyan, para na lang din sa kapayapaan ni Gerald, para wala na siyang basher, intriga.

“Sa mag-asawa naman, ke normal ke artista, wala naman yon, eh. Pera lang yon. Kumbaga, hindi naman yon ang batayan ng pagsasama n’yo nang matagal, eh. Sa pagsasamahan yon, kung magkakaintindihan kayo, di ba?

“Pera lang yon, although kailangan n’yo yon bilang mag-asawa, pero hindi yon ang essence ng pagmamahalan,” mahaba niyang paliwanag.

Hirit pa ulit ni Ai-Ai, “Kasi, siyempre, marami na akong beses na ikinasal and marami na rin akong prenup. Hindi guarantee na pag may prenup ka, eh, hindi ka makukuhanan ng pera. Pag gusto kang lokohin or huthutan kahit may prenup kayo, huhuthutan ka.”

Samantala, kasama ni Ai-Ai sa Bes and the Beshies sina Carmi Martin, Zsa Zsa Padilla at Beauty Gonzales. The film which will be shown on Oct. 18 is directed by Joel Lamangan.