EXCLUSIVE: Dessa, ‘halimaw’ pa rin sa pagbirit kahit tatlong dekada nang kumakanta

Dessa, may payo sa mga mas nakababatang diva.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

08/08/2017 09:55 AM
EXCLUSIVE: Dessa, ‘halimaw’ pa rin sa pagbirit kahit tatlong dekada nang kumakanta

 

Balik sa recording scene dito sa Pilipinas ang tinaguriang Voice of Asia at Powerhouse Belter na si Dessa pagkatapos niyang manirahan ng ilang taon sa Amerika.

Meron siyang digital album sa Star Music at ang kantang “Forever Is Not Enough” na nilikha ni Vehnee Saturno at kinanta noon ni Sarah Geronimo ang kanyang carrier single.


Napanood namin siya sa concert ng mga baguhang singers na sina Kiel Alo at Ezekiel sa Music Box at wala pa rin pinagbago ang kanyang boses. Kayang-kaya pa rin niyang bumirit habang kinakanta ang “All I Ask” ni Adele, “Superwoman” at “Forever Is Not Enough”.

Ang description nga ng audience na nanonood kay Dessa ay “halimaw” dahil sa taas ng boses nito. “Alam mo, suwerte lang ako. Pero napaos ako for awhile, nagpatingin ako sa doctor. Nag-worried ako kasi baka… bakit ayaw bumalik nu’ng boses ko. Pero ano lang, pagod lang daw at stress.

“Sabi sa akin ng doktor, ‘Ilang years ka nang kumakanta?’ Sabi ko, mga ano na po, tatlong dekada (30 years) na ata. Tapos sabi nung doktor, ‘Ang suwerte mo naman iha, kasi walang damage yung throat mo, you just have to rest, drink ka lang lots of water, that’s it. Bumalik din yung boses ko,” kuwento sa PUSH ni Dessa.

Ina-attribute din ni Dessa sa kanyang mga personal experiences kung bakit mas ramdam at bakit naabot pa rin niya hanggang ngayon ang matataas na nota ng kanyang kinakanta.

“Lahat na-experience ko na kasi, eh. Lahat ng klase at sarap ng pag-ibig na-experience ko na. Tinatawid ko siya sa musika at napakasarap,” aniya.

Patuloy ng singer, “Kaya pag kumakanta ako, mas ramdam ko, mas nasasarapan akong kantahin yung kanta ko kasi nga, siyempre nakaka-relate na ako, eh. Feeling ko mas hinog ako ngayon.”

Para sa mga feeling diva, ibinahagi rin ni Dessa  kung paano niya mine-maintain ang boses niya. Pero ang ilan sa kanyang mga sinabi ay maaaring hindi applicable sa ibang singers.

“Favorite kong magpapak ng ice. Siguro, may kanya-kanyang technique o hiyang. Sa akin kasi nagwo-work, eh. Kasi ako, kahit may show, kailangan ko ng yelo,” kuwento niya.

Nagbigay din siya ng konting advice sa mga biritera.

Sey ni Dessa, “Ang payo ko, i-maintain lang nila yung pagka-biritera nila. At siyempre, alagaan nila yung boses nila, since mga bata pa sila, mas okey yung alagaan nila nang maige para hanggang tumanda na sila, nando’n pa rin yung pagka-biritera nila.”

Eh, kakayanin pa ba niyang makipagsabayang bumirit kina Jona, Angeline Quinto, Morissette Amon at Klarisse de Guzman sa ASAP?

“Lahat puwedeng sabayan. Basta trabaho, kanta, alam mo naman na love na love ko ang pagkanta,” walang kagatul-gatol niyang sagot.

Sino ba para sa kanya ang pinakamagaling na singer sa Birit Queens?

 “Lahat naman sila magagaling, wala akong doubt don” sagot niya.

“Pero alam mo, favorite ko si Morissette. Favorite ko siya because magalang at mabait na bata siya, kapwa-Cebuana. Nakatrabaho ko na siya at magalang na bata talaga siya,” pahayag pa ni Dessa.