Direk Joyce Bernal, nagbigay ng update sa role ni Pia Wurtzbach sa 'The Revengers'

BY
Kiko Escuadro

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

08/21/2017 12:19 AM
Direk Joyce Bernal, nagbigay ng update sa role ni Pia Wurtzbach sa 'The Revengers'

 

Pinabulaanan ng blockbuster movie director na si Binibining Joyce Bernal ang isyung kumakalat patungkol umano sa pag-tsugi kay 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach sa 2017 Metro Manila Film Festival entry kasama sina Vice Ganda at Daniel Padilla.

Sa panayam na ito ng Push kay Direk Joyce sa media launch ng 'Fanboy Fangirl' ng Viva Films, nilinaw ng direktor ang mga hindi magandang naglalabasang balita tungkol sa kanyang proyekto with Star Cinema na may working title na 'Gandara Versus Gwapito The Revengers.'

"Nakapag-umpisa na kami with Daniel and Vice pero hindi pa ako nakakapagshooting with Pia. Inaayos pa yung costume niya. Mayroon pang pag-uusap with the management ni Pia and Star Cinema management," bungad na kuwento ni Direk Joyce.

Dagdag pa ng blockbuster director, kasabay ng paghihintay nila sa costume ni Pia ay ang paghihintay din nila sa approval ng international management team nito kung papasa din ba ang costume na kanilang ipapasuot kay Pia.

"Yun po yung inaayos kasi I think mayroon pang international image pa si Pia and meron pa siyang mga commitments sa abroad and hindi ko pa alam kung papaano po iyon,"sabi pa ng direktor.

Hindi pa man nakakapag-umpisa si Pia ng kanyang shoot, sinigurado naman ni Direk Joyce na aabot sila sa itinakdang showing ng pelikula sa darating na kapaskuhan.

"Aabot naman at sana umabot kami kahit na nagkaroon din ng kaunting revision at humabol naman kami sa mga deadlines," saad pa nito.

Naghihintay man kay Pia, masaya pa rin si Direk Joyce para sa nagiging adjustment ng bawat isa sa kanyang mga artista.

"They're both adjusting naman po. Si Pia, she does fitting and corrections so kami, waiting naman kami."

Hiling lang ni Direk Joyce ang agaran pag-uumpisa ni Pia sa kanyang shooting schedule upang mas mapaganda pa ang kanilang pelikula.

"Parang dapat na kami magkasundo whether hindi pa rin aprub o may pagbabago pa. Kailangan na namin mag bend the knee and someone has to bend the knee," natatawang pahayag ni Direk Joyce.