• Home
  • Fresh Scoops
  • Former sexy star Katrina Paula gagamit ng interpreter sa Q and A dahil aminadong di kering mag-Ingles.

EXCLUSIVE: Former sexy star Katrina Paula ire-represent ang Pinas sa international beauty pageant sa Japan

Former sexy star Katrina Paula gagamit ng interpreter sa Q and A dahil aminadong di kering mag-Ingles.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

08/19/2017 03:20 PM
EXCLUSIVE: Former sexy star Katrina Paula ire-represent ang Pinas sa international beauty pageant sa Japan

 

Hand-picked ang sexy star na si Katrina Paula ng organizer dito sa Pilipinas ng Mrs. Queen of VOAA Philippines para i-represent ang bansa sa gaganaping international beauty pageant sa Japan on September 4. Ang naging basehan sa pagpili sa kanya ay ang pagiging mabuting ina sa apat na anak na naitaguyod niya ang pag-aaral kahit pa siya ay isang single parent.

“Pero siyempre, dapat maganda ka rin, sexy, kaya lang medyo tumaba ako. Pero ang importante talaga is kung ano yung nagawa ko sa mga anak ko,” dagdag na impormasyon ni Katrina kung bakit siya napili ng organizer.


Ipinagmalaki din ni Katrina na ang panganay niyang anak na babae ay isang ng piloto. Ang second daughter naman niya ay graduating na sa Pamantasan Ng Lungsod ng Maynila. May dalawa pa siyang nakababatang anak na puro lalaki na nag-aaral din ngayon sa high school at elementary.

Confident ba siyang labanan ang halos 48 candidates mula sa iba’t ibang bansa sa Mrs. Queen of VOAA Universe?

“Sana kaya ko… pero kakayanin naman siguro. Lahat naman kailangang kayanin. Lalo pa nga napakadaming controversial issue ang pinagdaanan ko. Sana nga po ma-erase na yon nitong crown na ito. Ma-erase na lahat kung anuman yung pinagdaanan ko,” sambit ni Katrina na halatang hindi masyadong kumportable sa suot na crown.

Eh, ano ba ang pinaka-kontrobersyal na pinagdaanan niya?

“Ayun, yung kay Raymond (Dominguez), yon talaga ang pinakakontrobersyal na sobrang natakot ako, sobrang nagulo yung buhay namin. Sobrang yung mga anak ko rin, nagkaroon din sila ng takot.”

Si Raymond ay convicted sa kaso ng carnapping at nakakulong ngayon sa Muntinlupa. May isang anak si Katrina sa kanya at ito ang kanyang bunso na seven years old na ngayon.

Bago naging ka-live-in si Raymond, kasal si Katrina sa kanyang asawa na Yap ang apilyedo na pumanaw na kaya ang gagamitin niyang pangalan sa pageant ay Angeline Yap (her real name).

“Hindi naman na nag-asawa ulit, eh. Hindi naman na ako nagpakasal ulit kasi sabi ko, okey na ako.”

Ano ba ang ginagawa niyang paghahanda para sa nalalapit na pageant?

Aniya, “Nagpapaturo ako sa mga anak ko kung paano sumagot nang tama. Kasi sobrang… eto na talaga ako, eh. Hindi ko kayang magpa-cute. So, nagpapaturo ako sa mga anak ko kung paano yung tamang pag-sagot. Nanonood din ako palagi ng Ms Q and A sa Showtime.

“Pati yung lakad din kung kani-kanino akong beauty queen nagpapaturo. Kay Alma Concepcion nagpaturo akong maglakad. Sabi niya, isipin ko lang daw na bakla ako tapos nakaangat yung balikat ko.”

Biro pa niya, “Kasi nakakahiya naman magpaturo kay Pia Wurtzbach, di ba? Nakakahiya naman. Hahaha!”

Handa na rin si Katrina sa mga taong kukuwestiyon kung bakit siya ang magre-represent sa Pilipinasa sa isang international pageant.

“Alam mo, hindi naman na talaga maaalis yon. Kasi maraming magtataas ng kilay. Maraming magtatanong, ‘Ba’t ikaw, anong dahilan, anong meron, bakit ganyan?’ Hindi mo na maalis yon, eh, yung mga basher. Kasama na sa buhay ng tao yon, pero di ba, kailangan lang talaga sagutin ko nang maayos.

“At saka yung laban ko na ’to, laban din naman ng ibang mga misis, momshie, nanay, ina, ganun, laban natin itong lahat. Sana ipag-pray natin na manalo ako kahit papaano,” paliwanag niya.

Ni-request din ni Katrina na magkaroon ng interpreter sa Q and A.

“Sabi ko talaga, dapat may interpreter para sasagutin ko ng Tagalog. Kasi mahirap mag-pretend, eh, na Ingles-Inglesan, eh, di naman ako marunong sa Ingles, di ba?

“Pag Tagalog kasi, mas masasabi ko yung gusto kong sabihin, mas mai-express ko yung aking feelings,” pagtatapos ni Katrina sa PUSH.