• Home
  • Fresh Scoops
  • Aminado si Coco Martin na tutol siya nung una sa pag-aartista ng kanyang kapatid na si Ronwaldo Martin.

Coco Martin, bakit pinayagan na din ang kapatid na si Ronwaldo mag-artista?

Aminado si Coco Martin na tutol siya nung una sa pag-aartista ng kanyang kapatid na si Ronwaldo Martin.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

08/10/2017 09:28 AM
Coco Martin, bakit pinayagan na din ang kapatid na si Ronwaldo mag-artista?

 

Aminado si Coco Martin na hindi talaga niya gustong pag-artistahin noon ang kapatid na si Ronwaldo Martin. Pero wala na raw siyang magawa nung pasukin na ng kapatid ang paggawa ng indie films.

“Honestly ayoko. Ayoko yung pag-aartista niya. Siya lang talaga ang may gusto,” kuwento ng Ang Probinsyano lead actor at director/actor/producer ng Ang Panday.


Nang makita raw niya na handa na si Ronwaldo, pinayagan na niya itong magteleserye at pumasok sa Ang Probinsyano.

Dagdag pa ni Coco, “Nung nakita ko na siya, napanood ko yung Pamilya Ordinaryo niya at yung ibang mga ano niya, sabi ko, at least ready na siya. Kasi nung una kasi ayoko siyang isabak hangga’t hindi handa, eh.

“Kasi dati, P.A. ko siya, eh, sumasama sa akin. Siguro habang nanonood, nag-i-enjoy, tapos gusto niya, kaya yon. Eh, ayoko naman na pigilan kung yon ang pangarap niya.”

Bakit ayaw niyang pag-artistahin si Ron?

Aniya, “Magulo kasi sa showbiz, eh. Tulad niyan ang daming intriga, ang daming ano… Baka mamaya, may ibato sa kanya o intrigahin siya na hindi ko gusto at ako ang masaktan para sa kanya.

“Eh, ayokong ganun, eh. Sabi ko, kaya ko naman (magtrabaho). Pero nakita ko na parang okey na naman siya, tapos nanalo pa siya ng international acting award kaya pinayagan ko na ring mag-TV,” katwiran ni Coco.

Maganda naman ang feedback sa acting na ipinapakita ni Ron sa Ang Probinsyano.

“Buti na nga lang, kasi ayoko talaga na porket may show ako, eh, ipapasok ko siya. Talagang ang sabi ko din, ayokong maglagay ng kahit na sinong artista na dahil sapilitan lang, pakiusapan lang,” reaksyon ni Coco.

“Gusto ko talaga yung lahat nung part ng cast ay nababagay sa role na binigay sa kanila. Eh, nung nakita ko naman na okey na, nakakaarte na siya, nakaka-deliver na, bagay siya do’n sa role, yon pinasok ko na siya.

“Kasi nakita ko yung gusto niya akong makatrabaho nahihiya lang siya sa aking sabihin and then nung pinasok ko naman, okey naman siya,” dagdag niya.

Pero hindi raw naiiwasan na minsan ay napapagalitan din niya si Ronwaldo sa set ng kanilang teleserye.

“Siyempre, bilang kapatid, minsan napapagalitan ko sa set pag nagkakamali-mali. Pero hindi naman yung pagalit talaga, siguro yung tinuturuan, parang gina-guide siya kapag nasa set.

“Eh, ganun ako, eh, ayokong maglagay ng exemption na dahil kapatid ko ‘to, kahit magkamali, okey, hindi eh.”

Naiintindihan naman daw niya na nag-a-adjust noong una si Ron sa pag-arte dahil nga galing ito sa indie.

“Siyempre, naninibago siya sa TV, eh. Iba kasi sa indie, iba sa TV.

“Lalung-lalo na pag parang masyadong mababa ang acting. Sa TV kasi medyo kailangang iangat ng konti, eh, yon ang mga bagay na tinuturo ko sa kanya,” pagtatapos ni Coco sa PUSH.