• Home
  • Fresh Scoops
  • Theodore Boborol talks about the pressures of directing John Lloyd Cruz and Sarah Geronimo’s latest film.

EXCLUSIVE: Director Theodore Boborol on comparison with Cathy Garcia-Molina: 'Siya yung totoong romcom queen'

Theodore Boborol talks about the pressures of directing John Lloyd Cruz and Sarah Geronimo’s latest film.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

07/19/2017 10:07 AM
EXCLUSIVE: Director Theodore Boborol on comparison with Cathy Garcia-Molina: 'Siya yung totoong romcom queen'

 

Tatlong blockbuster films na pinagsamahan nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo ay pare-parehong idinirek ni Cathy Garcia-Molina. Ito ay ang A Very Special Love (2008), You Changed My Life (2009) at It Takes A Man And A Woman (2013).

Nakakaramdam kaya ng pressure dito si Theodore Boborol, ang direktor ng latest movie nina Lloydie at Sarah sa Star Cinema, ang Finally Found Someone?


“Siyempre, nando’n yung pressure, hindi naman mawawala yon. Pero at the end of the day, parang kapag puro lang pressure ang iniisip mo, wala akong magagawang pelikula.

“Siguro ang pinaka-blessing ko is that, my producers really showed their support. Hindi sila nagkulang sa pagbibigay ng words of wisdom. More than anything, this is a blessing to me,” pahayag ng direktor sa PUSH.

Hindi naman maiiwasang ikumpara si Direk Ted kay Direk Cathy na direktor ng 3 pelikula nina John Lloyd at Sarah. Paano niya iha-handle ang ganitong sitwasyon?

Aniya, “Siyempre iba naman yon. Kasi siyempre, institusyon na si Direk Cathy.

“Meaning, para sa akin idol ko siya. Siya yung totoong romcom queen. Kasi yung mga romcom niya talagang blockbuster.”

Pakiusap ni Direk Ted na sana raw ang bigyan din siya ng pagkakataon ng mga manonood na mapaligaya sila sa Finally Found Someone.

“Sana lang bigyan din ako ng mga manonood ng chance na iba rin naman ang putahe na ibibigay ko. Pero kahit na iba yung putaheng ibibigay ko, sinisigurado ko naman na ginandahan ko yung pagluto.

“Pagdating ulit don sa comparison, kailangan mo talagang ihanda ang sarili mo. Pero okey lang naman ako,” kaswal niyang pahayag.

Ayaw namang magbigay ng komento ng direktor sa mga nangyayari sa Metro Manila Film Festical at sa unang pagkakapili ng 4 na pelikula bilang official entry.

“I don’t want to judge the four entries. Actually, yung isang entry don, same creative team na gumawa ng Vince & Kath & James, yung The Revengers. Kung sinong writer non saka executive producer, yon din sa Vince & Kath & James.

“So, ang ano ko naman kung idya-judge ko sila, eh, sila yung creative team ko before. Saka hindi naman kami yung namili. Meaning, that was a process of MMFF, they chose the films na apat, labas kami do’n,” sabi ulit ng direktor.

Showing na ang Finally Found Someone sa July 26.