Coco Martin sa pagre-resign ng MMFF execom: ‘Sana maayos’

Coco Martin, willing to study Filmmaking kapag nagka-time

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

07/11/2017 09:56 AM
Coco Martin sa pagre-resign ng MMFF execom: ‘Sana maayos’

 

Wala pang time si Coco Martin pero kapag nalibre daw ang schedule niya ay balak niya talagang mag-aral ng Filmmaking para mas matuto pa sa pagdidirek.

Si Coco ang direktor ng Metro Manila Film Festival entry na Ang Panday kung saan siya rin ang bida kasama nina Mariel de Leon at ng ibang cast na karamihan ay kasamahan niya sa FPJ’s Ang Probinsyano.


“Gusto ko siyempre, kaso yung oras. Minsan kasi sabi nga nila, iba rin yung natuturo kapag nasa ground ka, eh, yung experience iba rin, kesa by the book.

“Pero siyempre, kailangan kong mag-aral. Like kunyari yung mga technical, mga ilaw, ganyan, kailangan ko talagang aralin yon, pero as of now, puso kasi yung pinaiiral ko, eh… yung gut-feel,” simulang pahayag ni Coco sa PUSH nung huli namin siyang makausap.

Bakit hindi na lang siya kumuha ng crash course tungkol sa filmmaking sa University of the Philippines?

“Kung magkakaroon po ako ng time, bibigyan ko talaga ng panahong mag-aral ng pagdidirek. Kaso baka hindi ako pumasa sa UP,” sabay tawa niya.

Ano ba ang dapat asahan ng moviegoers sa directorial debut niya at sa Ang Panday?

Aniya, “Tumataas ang panlasa ng mga manonood natin. Unang-una, may mga kalaban tayong mga Hollywood movies, siyempre kahit papaano, hindi tayo dapat nagpapaiwan sa mga ganung bagay.

“Sabi ko nga, in terms of yung mga effects, di ba, kailangan nating paghandaan yon. Tapos ito pa yung kauna-unahang pagdidirek ko kaya gusto ko talagang ayusin para kahit papaano, balang araw, sana maipagmalaki ko sa mga magiging anak ko.”

Hindi rin maiwasang hingan namin ng reaksyon si Cocotungkol sa nangyayari ngayong pagkakawatak-watak ng MMFF execom dahil sa iba’t iba nilang paniniwala.

“Sana maayos, kasi ginagawa naman natin ito para sa ating mga manonood, di ba? And alam ko namang maaayos din yan.

“Last year may ganyan din pero ang importante ikinokonsidera natin kung sino ba yung mapapaligaya natin? Para kanino ba yung ginagawa natin? Yon na lang sana ang isipin natin, na para sa industriya ito,” pahayag niya.

Ayaw naman niyang magbigay ng komento tungkol sa pagre-resign ng apat na miyembro ng MMFF execom. 

“Kanya-kanya kasing opinion yan, eh. Mahirap kasing magbigay ng sarili kong opinion dahil maaaring mali ako,” rason niya.

Dagdag pa ni Coco, “Basta para sa akin, ang importante lang, ngayong nakapasok tayo dito (MMFF), pagbutihin natin para walang masabi sa atin at maging sulit naman yung ibabayad sa atin ng manonood.”