Ronwaldo Martin says his brother Coco is very proud of him

Ronwaldo Martin says he seeks brother Coco’s advice when it comes to crying scenes.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

3/4/2017 9:38 AM
Ronwaldo Martin says his brother Coco is very proud of him


030417-RonwaldoMartin_PUSH.jpgAfter doing the role of Aries sa critically-acclaimed film na Pamilya Ordinaryo, balik ulit sa indie film si Ronwaldo Martin. Character naman ni “Marlon Pogi” ang gagampanan niya sa pelikulang Bhoy Intsik na entry sa Sinag Maynila film festival na pinagbibidahan din ni Raymond Francisco.

Ayon kay Ronwaldo bagay sa kanya ang role sa Bhoy Intsik kaya tinanggap niya ang project. Hindi raw ito halos nagkakalayo sa role niya dati sa Pamilya Ordinardyo.

“Batang kalye po ako dito na nakatira sa lumang bus at sementeryo na iniwan ng magulang nung bata pa ako,” diskripsyon ni Ronwaldo sa character niya sa movie.

Dagdag pa niya, “May pagka-sanggano po ako sa movie. Pareho kami ni RS na manggagantso.”

Eh, bakit ba laging batang kalye ang role niya. Di kaya ma-typecast siya sa ganu’n?

“Eh, yon lang po siguro ang bagay sa akin. Saka, kahit anong role naman po, okey sa akin,” sagot niya.

Eh, kung mayaman na role kakayanin ba niya?

“Ewan ko po. Hindi ko rin po alam. Hindi ko rin po yata kayang maging mayaman, eh. Hahaha!” natatawa niyang sabi.

Masaya namang naikuwento ni Ronwaldo na proud brother si Coco sa naging performance niya sa Pamilya Ordinaryo.

“Pagkatapos po kasi naming manood sa CCP, kumain po kami, tapos sabi niya po, ‘Wow, ang galing mo don, ah.’ Saka po kahit nung pag-uwi po namin, sinasabi niya pa rin na magaling daw ako,” kuwento niya.

Kini-criticize ba ni Coco ang acting niya?

“Hindi naman po. Basta hinahayaan niya lang po ako. Pero nagtatanong po ako sa kanya lalo na pagdating sa pag-iyak-iyak. Kasi po nahihirapan po talaga akong umiyak, eh.

“Katulad po dito sa Bhoy Intsik, pinapaiyak ako ni Direk Joel (Lamangan), kaya tinanong ko si Kuya kasi natatakot po ako. Sabi niya, ‘Isipin mo lang yung mga malulungkot na bagay.’ Nakaiyak naman po ako sa syuting. Natakot ako kay Direk, eh,” pahayag niya.

Eh, bakit ba hirap siyang umiyak?

“Masayahin po kasi ako, eh,” rason niya.

Showing ang Bhoy Intsik simula March 8. Produced ito ng Frontrow Entertainment.