• Home
  • Fresh Scoops
  • Director Joel Lamangan on actors: ‘Hindi lahat ng nagwo-workshop mahusay’

Director Joel Lamangan on actors: ‘Hindi lahat ng nagwo-workshop mahusay’

Director Joel Lamangan is all praises for Coco Martin’s brother Ronwaldo Martin.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

3/17/2017 9:52 AM
Director Joel Lamangan on actors: ‘Hindi lahat ng nagwo-workshop mahusay’


031717-JoelLamangan_PUSH.jpgPuring-puri ni Direk Joel Lamangan ang husay sa pag-arte ni Ronwaldo Martin na first time niyang naidirek sa pelikulang Bhoy Intsik.

“Isa siya sa pinakamahusay na batang actor sa kanyang henerasyon,” papuri pa ng director sa kapatid ni Coco Martin.

Kakayanin ba ni Ronwaldo na mapantayan ang kahusayan ni Coco bilang actor?

“Oo naman,” sabi agad ni Direk Joel.

“Mahusay siyang umarte at malaki pa ang kanyang ide-develop dahil bata pa siya. Marami pang karanasan ang kanyang mae-experience na magiging instrumento upang maibigay niya ang katotohanan sa mga papel na gagampanan pa niya.”

Aminado ang batikang director na hindi pa niya naididirek si Coco pero napapanood naman daw niya ang pag-arte ng actor.

“Mahusay din si Coco. Hindi ko sinasabing hindi mahusay si Coco ha, lalo na nu’ng nag-i-indie siya, napakahusay niya at napakaguwapo rin nung mga panahong yon. Pero itong batang ito, kakaibang animal itong batang ito,” paglalarawan niya sa acting prowess ni Ronwald.

Patuloy pa niya, “Mahusay ang kanyang instrument na ginagamit niya. Anong instrumento yon? Yon ay ang pagiging natural at ang pagiging honest sa kanyang ginagawa. Yon ang nakikita sa kanya at nararamdaman. Sana’y hindi siya magbago.”

Ipinagdiinan din ni Direk Joel na hindi lahat ng artistang dumaan na sa workshop ay mahusay ng umarte.

“Hindi lahat ng nagwo-workshop ay mahusay. Dahil ang ilan sa mahuhusay nating artistang babae hindi naman nagworkshop. Si Nora Aunor ba nag-workshop? Si Vilma Santos ba’y nag-workshop?

“Sino ba ang nag-workshop? Siyempre, yung hindi mahuhusay. Nagkakaroon sila ng ilusyon na dahil nag-workshop na, eh, mahusay na sila.

“Hindi na po nagiging natural ang kanilang ginagawa. Hindi na nagiging honest dahil nagpe-perform na sila. At kapag ang isang actor ay nag-perform yon po ay hindi na mahusay,” paliwanag niya.

Naalala tuloy ni Direk Joel ang mga panahong nagtuturo pa siya ng acting workshop.

“Dati po akong turo nang turo ng workshop. Raket ko nu’ng araw yan, eh. Three days workshop babayaran ka ng malaki, nag-iilusyon yung mga tao na mahusay na silang artista. Nakakasama po yon.

“Para sa akin, matagal na akong director at halos ako na lahat ang nagpanalo ng mga best actress… ang aking obserbasyon, kapag dalawang araw o tatlong araw na workshop hindi po masyadong nakakatulong yon.

“Ang pinakamahusay ay iyong bago at may perception, intelihente, natural ang ginagawa at may honesty ang performance. Pero hindi ko sinasabi na huwag mag-aral. Dapat mag-aral dahil ang acting po ay mahabaang pag-aaral. Hindi po lahat ng nagwo-workshop, pagtapos ng mag-workshop ay mahusay na,” pagdidiin pa ng magaling na direktor.