• Home
  • Fresh Scoops
  • Coco Martin recalls the big break he got from the Revilla family

Coco Martin recalls the big break he got from the Revilla family

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

12/22/2017 10:16 AM
Coco Martin recalls the big break he got from the Revilla family


 

Labis na ikinatuwa ng mga taga-Bacoor, Cavite ang naging pagbisita ni Coco Martin sa kanilang bayan. Ito ay bilang bahagi ng Southern Luzon tour ng Ang Panday movie na mapapanuod sa pagbubukas ng 2017 Metro Manila Film Festival.

Maaga pa lamang ay sinalubong na ni Coco ang mga Caviteño habang namimigay ng Ang Panday souvenir items.

Bukod sa mga residente ng Bacoor, labis din na nagalak sa naging pagbisita ng Ang Panday team si Bacoor City Mayor Lani Mercado na pinuntahan pa ni Coco sa kanyang tanggapan.

 

"Labis na natutuwa ang lungsod ng Bacoor, Cavite lalo na po ang aming tanggapan na tanggapin si Coco Martin dito sa ating lungsod," sambit ni Mayor Lani.

"Parang anak na namin siya kasi nagsimula si Coco sa Imus production, sa pelikulang Agimat ni lolo. Support siya ni Jolo. Sabi ko sayang sana nandito si Vice Governor Jolo pero he's sick pero we welcome him at sana tangkilikin natin ang pelikula ni Coco ngayong Pasko," sabi pa ng actress politician.

Para kay Coco, bahagi lamang ito ng kanyang pasasalamat sa pamilya Revilla sa pagiging bahagi ng kanyang tagumpay ngayon.

"Actually hindi po alam ng nakararami [na] napakalaki po ng utang na loob ko sa mga Revilla. Kasi noong nagsisimula pa lang po ako mag-artista sila po ang kauna-unahang nagtiwala sa akin dahil ako po yung ginawa nila kontrabida ni Jolo that time," kuwento ni Coco.

"And yung suportang ibinigay po nila sa akin nina Tito Bong, Tita Lani at Jolo. Sabi ko nga hindi ko makakalimutan yun dahil yun ang kauna-unahang pagsali ko sa Metro Manila Film Festival at nandito ako ngayon para magpasalamat naman po sa kanila," ani pa ni Coco.

Pinuri naman ni Mayor Lani ang dedikasyon ni Coco sa kanyang trabaho lalo na sa kinalabasan ng pelikula.

"Nakikita po natin ang talento ni Coco hindi lang siya basta artista. Nagulat po ako kasi para na siyang si Ramon Revilla Sr. Producer, writer, director… lahat na na sa kanya na at artista pa. I really wish him luck. Alam kong titiba itong pelikulang ito gaya ng ibang Panday movie," pahayag ni Mayor Lani.

Mapapanuod ang Ang Panday sa pagbubukas ng 2017 Metro Manila Film Festival sa December 25.