• Home
  • Fresh Scoops
  • Lolita Carbon, hanga sa talento ng mga bagong henerasyon ng OPM artist

Lolita Carbon, hanga sa talento ng mga bagong henerasyon ng OPM artist

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

12/20/2017 9:33 AM
Lolita Carbon, hanga sa talento ng mga bagong henerasyon ng OPM artist


Photo credit: Lolita Carbon FB

 

Present sa naganap na libreng Christmas concert nitong weekend ang OPM icon na si Lolita Carbon sa Malolos, Bulacan. Nakilala si Lolita Carbon bilang isa sa mga vocalist ng grupong Asin.

Kasama ang ilan pa sa mga maituturing na legend ng Pinoy music, masayang nag handog si Lolita ng tradisyonal na pamaskong awitin para sa mga manunuod.

Hindi din nawala sa line-up ang kanyang mga classic hits gaya ng “Usok”, “Pagbabalik”, at “Masdan Mo Ang Kapaligiran”.

"Napakamapalad ko dahil hanggang ngayon ay naririnig nila ang awitin natin. Hindi din naman kasi ako tumitigil kaya parang pinagpapatuloy ko lang ang legacy ng mga songs na sinimulan ko sa Asin," sabi ni Lolita.

Ayon din sa OPM legend, hindi na naging mahirap para sa kanya na ipakilala muli sa bagong henerasyon ng tagapakinig ang kanilang mga awitin sa tulong na din ng teknolohiya.

"Napaka-suwerte ng mga bata ngayon dahil ito ang panahon na hindi nahirapan sa pag-explore ng kanilang art as a performer and a musician. Unlike us before walang YouTube, talagang mano-mano. Ngayon mas madali na ang pag-explore, at pakikinig ng musika ng kabataan at mabuti din yun dahil nag-grow sila and lumalaki ang music industry natin."

Hanga din daw ang Asin vocalist sa talento ng bagong henerasyon ng mang-aawit.

"Marami, marami. Ang talento ng Pinoy is extraordinary, internationally known ang Filipino artist but I hope ma-hold ng younger generation ang kalibre ng Pinoy talents," ani ng singer.

Nonstop din daw ngayong holiday season si Lolita sa pag-awit ng libre ngayong Kapaskuhan.

"Oo parang gift na ito sa lahat. Nagpapahinga naman ako pero nagsusulat ako pag nakapahinga. Kaya hindi din ako masyado aktibo sa telebisyon kasi palagi ako nag-reach out sa mga areas na hindi naabot ng mga kababayan natin. Ako yung nag-reach out sa kanila," pahayag niya.

Bukod sa pamaskong handog na ito, pinaghahandaan na din niya ang isang special Valentine concert para sa susunod na taon.