Joel Cruz ibinahagi ang nakagisnang pasko

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

12/17/2017 9:57 AM
Joel Cruz ibinahagi ang nakagisnang pasko


 

Abala man sa pagasikaso sa kanyang perfume business, nanigurado si Joel Cruz na maayos ang pagka-decorate ng kanyang bahay para sa Pasko. Sa naging panayam na ito ng PUSH, ipinasilip ni Joel ang kanyang tahanan na punong-puno ng red, gold, at silver na palamuti.

Kuwento ni Joel, bata pa lang daw siya ay hilig na niya talaga ang mag-ayos ng kanilang tahanan tuwing sasapit na ang kapaskuhan.

"Noong bata ako, hindi naman ako gaanong may pera na kapag ako mag-design ng Christmas decoration. Kailangan humingi pa ako ng pera sa mother ko so budget talaga. Ang kinagandahan lang noon natural na artistic ako. Kahit na ordinary lang ang decorations namin napapabongga ko kahit papaano," sabi niya.

Aniya, ang pagkakaroon ng mataas at magandang Christmas tree ang isa sa mga pangarap ni Joel noong siya ay bata pa lamang.

"Ewan ko ba kung bakit ako palagi nagco-compare sa malalaking mga bahay, sa mga mayayaman talaga yung ganun. Siguro example nalang sa Christmas tree gusto ko na talaga dati pa na mataas at maganda ang Christmas tree namin. Kaya ngayon na nagkaroon na ako, talagang gusto ko dapat laging maganda ang Christmas tree ko," paliwanag ni Joel.

Kahit simple lang daw ang kanilang Christmas decorations noon, sinugurado daw ni Joel na masaya pa din sila ng pamilya tuwing kapaskuhan.

"Mayroon na akong nakakatulong ngayon kasi medyo matrabaho na ang pag-aayos talaga. Pero dati talagang ako lang lahat pero happy ako noon kahit na simple lang," saad pa niya.

Isa din daw sa labis na nagpapasaya kay Joel tuwing Pasko ay ang simpleng bigayan ng regalo sa bawat miyembro ng kanyang pamilya.

"Ibang-iba ang pakiramdam, masaya, excited. Marami akong tao na napapasaya. Pag masaya kasi ang ibang tao doon nag-start yung happiness ko."

Bukod sa makikinang na Christmas decorations at palitan ng mga regalo, looking forward din si Joel na maka bonding ang kanyang buong pamilya.

"Siyempre yung maka-bonding mo ang family, magkaka-sama kayo. Ang preparations ko medyo bongga talaga. Gusto ko maraming food, magsisimba kami buo ang pamilya, may mga bagong damit pero ang higit sa lahat na importante at pinakamasaya yung magkakasama kaming pamilya na pupunta ng simbahan. Kaya definitely pasko ang pinaka paborito kong panahon sa buong taon," pahayag ni Joel.