• Home
  • Fresh Scoops
  • Derek Ramsay says his son Austin Gabriel is very proud of him as an actor

Derek Ramsay says his son Austin Gabriel is very proud of him as an actor

Derek Ramsay and his son will be spending the holidays in Palawan.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/15/2017 9:37 AM
Derek Ramsay says his son Austin Gabriel is very proud of him as an actor


Photo credits to the owner (R)

 

Nasa Pilipinas ngayon ang anak ni Derek Ramsay na si Austin Gabriel at dito siya mag-i-spend ng Christmas. Dumating sa Pilipinas ang binatilyo (14 years old) nung Tuesday (December 12) at nag-bonding agad ang mag-ama.

Isinama ni Derek si Austin sa Director’s Club ng SM Megamall Fashion Hall para sa special screening ng pelikulang All Of You na pinagbibidahan niya at ni Jennylyn Mercado. Game namang nagpa-picture ang bagets sa ilang entertainment press na present sa screening habang akbay-akbay siya ng ama.

“Kadadating lang niya from Dubai and he will be spending his Christmas and New Year with me,” masayang pahayag ni Derek.

Dagdag pa ni Derek,  “Christmas, dito, kasi ‘yung parade nga, (December) 23, and then, alis na kami for Palawan after awards night, hanggang New Year. Du’n na kami magnu-New Year.”

May rest house ang pamilya ni Derek sa Palawan kung saan don na rin nakatira ang kanyang parents.

Pangalawang Pasko na ni Austin sa Pilipinas kasama ang kanyang daddy ngayong 2017. Taong 2015 ay nasa Palawan din silang mag-ama at don nag-celebrate ng holiday season.

Ani Derek,  “Walang takot ‘yang batang ‘yan. Last time we were there, nung 2015, hinihila ko siya behind the boat, sa gitna ng laot. Nakapatong siya du’n sa parang doughnut, pinapalaglag ko siya sa gitna ng dagat, nalalaglag siya, wala siyang pakialam kahit mag-isa.”

Eh, ano naman ba ang Christmas gift na ibinigay niya sa anak?

“Binigyan ko siya ng Alienware na sobrang high-tech na laptop, pang-gaming. Bitbit nga niya kanina sa eroplano, parang anak niya, ayaw niyang bitawan. It’s bigger than him. It’s so big.

“I said, ‘do you want a Macbook?’

Sabi raw ng bagets, “No, I want this one,” sabay turo sa mamahaling gadget.

“Hindi ko alam, ano ba ‘tong Alienware na ‘to? Pagtingin ko, Diyos ko, ang mahal!” natatawang kuwento ni Derek.

Bago magsimula ang special screening ay tinanong ni Derek ang anak kung okay lang ba na mapanood nito ang love scenes niya sa pelikula kasama ang leading lady.

“Hey, Austin, what are you going to do when you see me kissing a girl in the movie?” tanong niya sa anak.

Sagot ng binatilyo, “Nothing.”

Nabanggit din ni Derek na super proud ang kanyang anak sa kanya bilang aktor.

“Noong 2015, dinala namin siya sa movie, All You Need is Pag-ibig, after the movie, when the fans were asking to take pictures, sabi niya, ‘That’s my dad, that’s my dad!’

“So, he’s proud naman, very proud,” pahayag pa ni Derek.

Samantala, marami ang nagalingan sa performance nina Derek at Jennylyn sa All Of You. Malakas ang laban ng dalawa sa Best Actor at Best Actress sa MMFF Awards Night.

“Well, thank you. Ako naman, I don’t expect sa mga ganyan. Ginagawa ko lang naman yung trabaho ko,” matipid na reaksyon ni Derek.

Matatandaang na nanalo na rin si Derek ng best actor award para sa pelikulang English Only, Please three years ago na si Dan Villegas din ang director at first time naman nilang pinagtambalan ni Jennylyn.

Kung mauulit daw ito ay napakalaking blessing na para sa kanya.

Samantala, ang All Of You ay tumatalakay sa iba’t ibang stages na pinagdadaanan ng magkarelasyon na siguradong makaka-relate ang mga magkasintahan lalo na kung live-in na sila. Mapapanood na ito simula December 25.