• Home
  • Fresh Scoops
  • Vice Ganda, target maka-P1 billion ang ‘The Revenger Squad’ sa 2017 MMFF

Vice Ganda, target maka-P1 billion ang ‘The Revenger Squad’ sa 2017 MMFF

Isinagot din ni Vice Ganda ang mga tanong kung meron nga ba silang away ni Coco Martin.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/13/2017 10:06 AM
Vice Ganda, target maka-P1 billion ang ‘The Revenger Squad’ sa 2017 MMFF


 

Buong ningning na sinabi ni Vice Ganda kung magkano ang gusto niyang kitain ng pelikulang Gandarrappido: The Revenger Squad na kalahok sa 2017 Metro Manila Film Festival na pinagbibidahan din nina Daniel Padilla at Pia Wurtzbach.

“P1 Billion, P1 Billion, P1 Billion. Pag binigay, eh, di bongga! Clap! Clap! Clap! Champion!” Ito ang ultimate wish ni Vice.

“Pag hindi, thank you pa rin. Kasi for sure, may ibibigay pa rin na malaki sa amin ang Diyos.

“Kasi pinagtrabahuhan ng maraming tao ito, eh, kaya alam kong ibe-bless ng Diyos. Pinagtrabahuhan ng marami at ginawa namin ‘to nang may magandang intensyon, hindi pera-pera lang,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa TV host-comedian, wala raw naman masamang mag-ambisyon.

Ani Vice, “Kini-claim ko lang naman, eh. Eh, powerful ang words, di ba? Naririnig ako ng universe lalo pa’t katabi ko ang Miss Universe (Pia), di ba?”

Patuloy pa ni Vice, “Kailangan daw ibato sa universe yun, eh… yung mga wishes mo, yung mga magagandang intensyon mo.

“Kasi, naririnig niya, ibinibigay niya sa yo. Kaya mas kampante ako. Kasi, kaibigan ko for the past years ang universe. Eh, naging malapit pa sa akin ang Miss Universe. Kaya feeling ko, ang lakas-lakas ko na.

“May pressure siyempre, Pero yung pressure, tapatan mo lang din ng konting yabang, yung ganun,” paliwanag pa niya.

For the record, si Vice at Coco Martin ang may hawak ng highest grossing Filipino film of all time na P590M para sa pelikulang The Super Parental Guardians na ipinalabas last year (November 2016).

“Ang isa pang pressure sa akin ay siguraduhing laging maganda yung movies na ginagawa ko. Pero yung tulad ng dati na aligaga ako, tanong nang tanong kung magkano na ang kinita ng pelikula ko, nalampasan ko na yon,” sey pa niya.

Eh, ano nga ang totoo sa isyung nagkaroon sila ng gap ni Coco dahil nagkaroon ito ng sariling MMFF movie na Ang Panday kaya hindi sila natuloy magsama ulit sa movie?

Sagot niya, “Hindi po kami magkaaway. At saka matagal na namin yang sinagot. Paulit-ulit lang din kayo ng tinatanong at gusto n’yo yatang marinig sa amin na, ‘Magkaaway po kami.’”

Ayon pa kay Vice, sinagot na rin ni Coco ang naturang isyu.

“Sinagot na rin ni Coco yan. Hindi kami magkaaway. ‘Yung trilogy, hindi nangyari, pero hindi nangangahulugang hindi na mangyayari.

“Mahaba pa ang tatakbuhin ng career ng career ni Coco and hopefully, ako rin naman. At marami pang pagkakataon (para gumawa sila ng pelikula),” huling pahayag niya sa PUSH.