• Home
  • Fresh Scoops
  • Paulo Avelino, natupad ang bucket list role sa ‘Ang Larawan’

Paulo Avelino, natupad ang bucket list role sa ‘Ang Larawan’

Nag-audition si Paulo Avelino para makuha ang kanyang role sa ‘Ang Larawan’.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/12/2017 9:20 AM
Paulo Avelino, natupad ang bucket list role sa ‘Ang Larawan’


 

“Lahat ng pelikulang pinapasukan ko, nag-audition ako!” Ito palaging ginagawa ng aktor na si Paulo Avelino bago siya mapabilang sa cast ng pelikulang ginagawa.

Dagdag pa niya, “Sa Goyo, nag-audition ako. Sa Larawan, nag-audition ako. Maganda kasi yung makakapasok ka sa pelikula dahil trinabaho mo, dahil pinili ka, hindi dahil sikat ka o anuman.”

Kakaibang fulfillment din daw ang nararamdaman niya tuwing sumasalang siya sa audition.

“Pag nag-a-audition ka, parang nagiging grounded ka, eh. It humbles you. Parang paalala rin sa sarili mo na, ‘Uy, aktor at huwag kang umastang kung sino.’

“Kasi you have to start again. Kapag nagsisimula ka ulit sa baba at parang hindi ka sigurado kung makukuha ka o hindi, parang maraming realization, na dapat hindi ka makampante kasi madami ding magagaling,” paliwanag ni Paulo.

Aminado naman ang aktor na talagang nahirapan siya sa role ni Tony Javier na kapareha ni Rachel Alejandro sa Ang Larawan.

“Nahirapan ako sa singing part. Kasi si Ms. Celeste (Legaspi) masyadong perfectionist. Nakatutok siya sa akin, so kapag may mag-off lang ng konti sa key, ulit na naman.”

Pero naiintindihan naman daw niya kapag sinisita ang tono niya ng beteranang singer-actress.

“Hindi ako nao-offend. Celeste Legaspi yon at alam niya ang ginagawa niya. May tainga na siya for that and siyempre, bilang baguhan, nakikinig ka sa mas nakakaalam.

“Kasi hindi ito yung pagkanta na parang favorite mong kanta puwede mong kantahin o kung saan ka magaling. Ito kasi, theatrical, napakaraming rehearsals, napakaraming trainings,” lahad pa ng aktor.

Masaya naman si Paulo sa kinalabasan ng kanyang ginawa sa Ang Larawan.

“Very proud ako na nagawa ko. Isa ito sa bucket list roles na gusto kong gawin talaga. Gusto kong gumawa ng musical, napaaga lang talaga,” pagtatapos ni Paulo sa PUSH.