Luis Manzano: ‘Sa hosting mas may kuwenta ako kumpara sa pagiging actor’

Luis Manzano umaming nami-miss niya minsan ang acting.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/05/2017 09:30 AM
Luis Manzano: ‘Sa hosting mas may kuwenta ako kumpara sa pagiging actor’

 

Inamin ni Luis Manzano na nami-miss na rin niya ang pag-arte sa pelikula. Kaya lang, mas nakatuon daw ang panahon niya ngayon sa hosting lalo pa nga’t sa kanya ibinigay ng ABS-CBN ang task to host the mystery music game show na I Can See Your Voice.

Huling napanood si Luis sa mga pelikula ni Direk Wenn Deramas at sa critically-acclaimed movie ng Star Cinema na In My Life na pinagbibidahan ng mom niyang si Congresswoman Vilma Santos at ni John Lloyd Cruz.


“Honestly, nami-miss ko din siyempre,” simulang sabi Luis.

“Alam mo, may few movies na lumabas recently or I think ginagawa pa ngayon na dapat ako.

“Ayoko ng sabihin kung ano yon kasi mamaya baka sabihin na inagaw, pero may mga two or three movies na ginawa recently na ako dapat,” patuloy pa niya.

Ang dahilan daw kung bakit mas nagko-concentrate siya ngayon sa hosting ay dahil pakiramdam dito siya nag-i-excel.

Aniya, “Kasi sa hosting mas may kuwenta ako kumpara sa pagiging actor ko, eh. So, don na ako sa mas kikita ako. Mas realist kasi ako,” natatawa niyang pahayag.

Bilang aktor, may dalawang dream role si Luis at ang isa raw dito ay nagawa na niya sa In My Life.

“Dalawa ang dream role ko dati. Yung isa nagawa ko na sa In My Life, yung complex gay character, ayoko kasi nung gay character na parlorista na ginagawa nung iba. Gusto ko yung komplikado, yung emosyon nung karakter, sophisticated.

“Kasi minsan, nasanay tayo na maingay, na kailangan ganyan-ganyan. Sabi ko, there’s more to the gay community than that,” kuwento ng TV host.

Ang peg naman daw niya sa isa pang dream role na gusto niyang gawin bilang isang mentally challenged person ay si Sean Penn ng pelikulang I Am Sam.

“Ang galing ni Sean Penn don, eh. Kahit ako, minsan tina-try kong i-understand kung paano niya nagawa yung role na yon. Parang ang hirap, pero ang galing, di ba?” sey pa niya.

When asked about his love life at sa plano nilang pagpapakasal ng girlfriend na si Jessy Mendiola, game pa ring nagbigay ng reaksyon si Luis.

Papayagan ba niyang mag-showbiz o mag-artista pa rin si Jessy if ever na ikasal sila?

“Kung gusto niya. I will have my own life, she will have her own life, we will have a life as a couple. Up to now naman ganun, kaya hindi ako nakikialam sa trabaho niya.

“Buhay mo yan. Buhay ko ‘to. At the same time, bibigyan mo rin ako ng space ko. Yon lang naman yon, eh. May buhay ako, may buhay ka. May buhay tayong dalawa as a couple.

“Napaka-unfair no’n pag ka  kinlaim (claim) ko yung buhay mo at kinlaim mo yung buhay ko, hindi,” huling pahayag ni Luis sa PUSH.