• Home
  • Fresh Scoops
  • Nikko Natividad natakot sa kanyang director nang mapagalitan ito.

EXCLUSIVE: Nikko Natividad, nahirapan sa kanyang gay role

Nikko Natividad natakot sa kanyang director nang mapagalitan ito.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/05/2017 09:23 AM
EXCLUSIVE: Nikko Natividad, nahirapan sa kanyang gay role

 

May mainstream movie na ang Hashtag member at Umagang Kay Ganda segment host na si Nikko Natividad. Kasama siya sa pelikulang Bes and the Beshies at gumaganap ng role bilang nag-iisang anak ni Ai-Ai delas Alas na hindi lantad ang kabadingan.

“Kloseta daw ang tawag sa role ko. Mas mahirap palang umarte na closet gay kesa sa lantad, eh. Kasi pag lantad ka, lambutan mo lang yung boses mo, alam na ng mga tao na bakla ka.


“Pero dito kasi sa movie namin, siyempre may scene na kailangang huwag mo munang ipahalata, pero nakikita na bakla pala, papitik-pitik lang. Hindi pa out,” kuwento ni Nikko.

Kaya na ba niyang gumanap ng isang gay role sa indie na nagre-require ng kissing scene o love scene sa kapwa lalaki?

“Naisip ko na po yan, pero hindi ko ho kaya. Siguro, ang kaya ko lang, eh, yung yakap, holding hands. Siguro, halik sa pisngi, pero yung sa lips, siguro hindi ko kaya,” napapailing niyang pahayag.

“Ayoko pong magsalita ng tapos, pero pag naiisip ko, siguro yakap lang, holding hands lang ang kaya ko for the movie,” diin pa niya.

Hindi ba niya kayang gawin ang ang mga ginawa noon ni Coco Martin at iba pang aktor na sumubok na rin makipag-love scene sa kapwa artistang lalaki?

“Hindi ko ho kaya talaga. Parang hindi ko talaga nakikita ang sarili ko na gumagawa ng ganun sa pelikula. Pasayawin n’yo na lang ho ako, pag-host-in n’yo na lang ako, kasi pag yung ganung eksena, baka masigawan lang ako ng director pag hindi ko nagawa nang maayos,” giit uli ni Nikko.

Ayon pa sa dancer/host, nasigawan siya ni Direk Joel Lamangan sa isang eksena na kailangan niyang umiyak dahil hindi niya ito kaagad nagawa.

“Sabi po niya kasi yung tears of joy daw kasi nga mag-a-out na ako. Eh, hindi ko naman alam yung ganun kasi nga lalaki ako. Paano ba yung tears of joy? Ang hugot ko lang kasi kapag umiiyak ako, eh, yung mga malulungkot na bagay, yung tears of joy hindi ko magawa.

“Pero sa awa naman po ng Diyos, natapos din yung eksena. Nakaiyak din ako. Natakot talaga ako kay Direk Joel,” kuwento pa niya.

Samantala, masaya ring ikinuwento ni Nikko na masuwerte siyang nakatrabaho ang Comedy Queen sa pelikula.

“Lagi ko nga pong sinasabi na nakaka-proud kasi parang isa ako do’n sa mga pangalan na nasa listahan ng mga naging anak niya sa dami ng artistang naging anak niya sa pelikula. Kapag may eksena kami, napi-feel ko talaga na nanay ko siya, na parang hindi ako iba sa kanya,” lahad niya.

Showing na ang Bes and the Beshies sa October 18 at bukod kina Ai-Ai at Nikko, kasama rin sa movie sina Beauty Gonzalez, Carmi Martin, Zsa Zsa Padilla, Jon Lucas at marami pang iba.  The film is produced by Cineko.