Pinoy animators bibida ang talento sa ‘My Little Pony The Movie’

BY
Kiko Escuadro

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

10/04/2017 10:15 AM
Pinoy animators bibida ang talento sa ‘My Little Pony The Movie’

 

Bibida ang talentong Pinoy sa paparating na Hollywood animated feature na My Little Pony the Movie. Eighty percent ng kabuuan ng pelikula ay halos isang taon na binuo ng mga talentadong Pinoy Animators.

Ayon sa Senior Vice President ng Top Draw animation na si Stella Katigbak-Dearing, ang grupong bumuo ng My Little Pony the Movie, hindi lang mga bata ang mag-eenjoy sa kanilang first feature film.


"Itong trabaho na ginagawa namin for almost ten months yata yan ay mapapalabas sa sinehan for the first time. Ito ay napaka iconic na property na kilalang-kilala ng marami hindi lang bata pati matanda, ang My Little Pony the Movie," sabi nito.

Para naman sa creative director ng My Little Pony the Movie na si Lean Lagonera, hindi din daw biro ang gumawa ng isang full-length animated movie. Aniya, dapat ay perfect ang bawat detalye at pulido sa bawat eksena.

"Ito kahit kaliit-liitan detalye sisilipin nila. Maiintindihan mo rin kasi widescreen siya. Yung maliliit na mistake kitang-kita kapag nasa movie screen na din," ani ng creative director.

Ayon pa kay Stella, bawat fifteen seconds ng pelikula ay isang araw ang katumbas na trabaho.

"Yes minsan yung 15 seconds, dalawa hanggang tatlong araw plus maraming overnight para magawa."

Kung kaya proud na proud ang mga pinoy animators ng Top Draw sa My Little Pony.

"Sa totoo lang, alam mo ang animation 30 years ng mahigit dito sa Pilipinas at hindi alam ng ating mga kababayan na marami cartoons sa TV ay dito gawa," paliwanag pa nito.

Dagdag naman ni Lean na nais niya na maging proud ang mga manunuod sa talento ng mga Pilipino.

"Kapag napanood ninyo ito, maramdaman ninyo sana ang proudest na naramdaman namin doon sa project. Makikita niyo, maiku-compare niyo ang ibubuga ng Pinoy na pwede ipagmalaki sa buong mundo," pahayag pa ni Lagonera 

Mapapanuod ang My Little Pony The Movie sa Pilipinas ngayong October 4 sa mga sinehan nationwide.