EXCLUSIVE: Jon Lucas, aminadong iyak pa rin nang iyak hanggang ngayon dahil sa pagkawala ng ina

Jon Lucas, lubos na apektado pa din sa pagkawala ng ina

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/19/2017 09:00 AM
EXCLUSIVE: Jon Lucas, aminadong iyak pa rin nang iyak hanggang ngayon dahil sa pagkawala ng ina

 

Hanggang ngayon ay ramdam pa rin ni Hashtag Jon Lucas ang lungkot na dulot ng pagkamatay ng kanyang butihing ina dahil sa sakit sa puso ilang linggo na ang nakakaraan.

Bago ang premiere night ng pelikulang Bes and the Beshies kung saan isa siya sa mga cast ay naibahagi niya ang pinagdadaaan ngayon pagkatapos mailibing ng ina.


“Malungkot pa rin siyempre at never naman mawawala yung lungkot. Masasanay lang po siguro. Siyempre, mama’s boy ako, eh, sobrang close ako kay mommy,” simulang pahayag sa PUSH ni Jon.

Ano ba ang nami-miss niya ngayon sa mom niya?

“Yung smile lang niya, yon yung pinakamahalaga sa lahat. Kasi never mong makikitang sumimangot yon kahit pagod na lalo na kapag umuuwi ako galing trabaho kahit late na.

“Kunyari, umaga na ako na-pack-up, lagi siyang gising at lagi siyang may handang pandesal saka itlog para breakfast muna ako bago ako matulog. Nami-miss ko yung ganun na pagiging maalaga niya,” kuwento pa ng binata.

Inamin din ni Jon na madalas pa rin siyang umiiyak hanggang ngayon.

Aniya, “Umiiyak pa rin po ako. May mga time na, kunyari nakahiga po ako sa bahay, may pagkakataon na bigla na lang akong maiiyak.

“May time na lumuluha na pala ako lalo na kapag nakikita ko yung kuwarto kung saan lagi si mommy nakahiga, nakaupo, naaalala ko. Saka ang dami kong naiisip na iba-ibang moments na kasama siya dati – puro masaya, walang memories na malungkot.”

Pinanghahawakan ngayon ni Jon ang tagubilin ng mom niya bago ito namatay na pagbutihin ang pakikisama sa tao at ang kanyang trabaho bilang artista.

“Medyo nakabawas ng lungkot sa akin yung libing ni mommy kasi nakita ko kung gaano karami yung nakipaglibing – na parang yon pala yung kayamanan niya. Kumbaga, wala man siyang maipakitang pera pero yung kayamanan pala niya ay yung sobrang dami niyang mga kaibigan.

“So, lagi niyang pinapayo sa akin nung buhay pa siya na dapat pakisamahan mo lahat ng mabuti para kapag nawala ka, maraming kaibigan na dadating sa yo, maraming magmamahal sa ‘yo.

“Lagi niya ring sinasabi na, unang-una mahalin ko yung kapatid ko. Mga isang linggo bago siya nawala, ‘Kapatid mo, mahalin mo, ha, huwag mong papabayaan yan kahit anong mangyari. Si daddy rin binilin niya, kasi nga may sakit na rin, high blood na rin,” tuluy-tuloy na kuwento ni Jon.

Samantala, hindi muna nakakapag-report hanggang ngayon sa It’s Showtime si Jon. Balak niya na after November 1 na lang siya babalik sa show.

“Pahinga po muna. Inaalagaan ko po muna sina daddy,” sambit pa niya.

Bukod sa Bes and the Beshies ay tapos na ring gawin ni Jon ang horror film ng Regal Entertainment na Haunted Forest at ang romcom movie nila ni Michelle Vito na Memoirs of Timog.