• Home
  • Fresh Scoops
  • Direk Cathy Garcia-Molina, magre-retire sa pagdidirek para bigyan ng oras ang pamilya

Direk Cathy Garcia-Molina, magre-retire sa pagdidirek para bigyan ng oras ang pamilya

Balak ni Direk Cathy Garcia-Molina na manirahan na sa New Zealand.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/10/2017 9:28 AM
Direk Cathy Garcia-Molina, magre-retire sa pagdidirek para bigyan ng oras ang pamilya


 

Ang family drama na Seven Sundays ng Star Cinema na pinagbibidahan nina Aga Muhlach, Cristine Reyes, Dingdong Dantes, Enrique Gil, at Ronaldo Valdez ang pangatlo sa huling pelikulang gagawin ni Direk Cathy Garcia-Molina bago siya mag-retire sa showbiz.

Ito ang kanyang ini-announce during the presscon of Seven Sundays na pang 20th movie niya bilang director na showing on October 11.

Ayon kay Direk Cathy, nagpaalam na siya sa ABS-CBN na hanggang 2019 na lang siya. Pero tatapusin daw muna niya ang Robin Padilla-Sharon Cuneta at Kathryn Bernardo-Daniel Padilla movie bago siya mag-retire at manirahan sa New Zealand kasama ng kanyang partner at mga anak.

“Siguro nagkataon na nakahanap din ako ng bagong partner in life. At saka matagal ko na tong gusto, eh. And I believe hindi ko nabigyan ng time ang mga anak ko.

“And they’re growing up, they just turned 12 and 11, and next year teenager na sila. And feeling ko, hindi ko sila nasamahan in their formative years, baka sakaling masamahan ko sila in their adolescence stage which is very difficult and problematic to most parents,” kuwento ng lady director sa dahilan kung bakit siya magku-quit sa pagdidirek.

Sa palagay din daw niya ay marami na rin siyang naibahagi sa industriya ng pelikula kaya panahon naman para bigyan niya ng panahon ang kanyang pamilya.

“I have given enough, parang more than half of my life I have given to the industry, maybe it’s time I give time for my children.

“The only dream I had naman is just to be a housewife and a mother. Never ko yung naabot, ngayon someone is going to give it to me,” sambit pa niya.

Wala bang puwedeng makapagpabago o makapagpa-delay ng kanyang plano na umalis sa ABS-CBN at Star Cinema?

“Delay, baka puwede kasi may responsibilidad ako sa ABS. My contract is up to February 2019 and I’m not open to renewing the contract,” ani Direk Cathy.

Patuloy niya, “But according to Inang (Olive Lamasan) and Tita Malou (Santos), parang sabi nila, baka puwedeng once a year, kasi gusto ko nga sa New Zealand kami.

“Kasi sa isang single parent na tulad ko ayokong mag-rely don sa partner ko lang. It’s hard to get older here (Philippines), eh, ang babata pa ng mga anak ko.”

Hindi kaya manibago siya kapag wala na siya sa limelight at hindi na nagdidirek?

“Siyempre, maninibago ako,” pag-amin niya. “Hindi ko naman sinasara, eh. If I retire, it doesn’t mean I’m not going to come back.

“Kaya lang kasi, for as long as… what if lang siya sa akin. Lagi kong iisiping that is the better choice. Kasi gusto kong i-try, and then maybe, pag nando’n na ako sabihin ko, ‘Ay, hindi pala ako para dito, I want to go back,’” paliwanag ni Direk Cathy.

Naikuwento rin ng director na may kapatid siya sa New Zealand at nabisita na rin nila ng kanyang mga anak ang bansang titirhan.

“Last year, my kids and I went there to see and we loved it there,” sabi pa ng Seven Sundays director.