• Home
  • Fresh Scoops
  • Phoebe Walker recalls her unforgettable experience with Luis Manzano when she was just an extra

Phoebe Walker recalls her unforgettable experience with Luis Manzano when she was just an extra

Phoebe Walker says she would like to personally thank Luis Manzano.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

1/22/2017 10:30 AM
Phoebe Walker recalls her unforgettable experience with Luis Manzano when she was just an extra


012217-PhoebeWalker_PUSH.jpgNagsimula bilang extra sa mga pelikula ang 2016 Metro Manila Film Festival Best Supporting Actress na si Phoebe Walker na napansin sa pelikulang Seklusyon ng Reality Entertainment. Isa sa mga pinag-ekstrahan niya noon ay ang pelikulang Moron 5 And The Crying Lady ng Viva Films na ang isa sa mga bida ay si Luis Manzano at idinirek ni Wenn Deramas.

Ayon kay Phoebe, kahit ekstra lang siya noon ay napakaganda ng naging experience niya kay Luis Manzano.

“Sobrang gentleman niya sa akin. Siya yung nag-stand out sa akin na talagang gentleman. I mean, first day, hindi kami magkakilala tapos extra pa ako do’n sa pelikula.

“Tumayo pa siya to let me sit. Kasi siyempre yung mga bida don may mga upuan sa tabi ni Direk (Wenn Deramas), di ba, tapos tumayo siya to let me sit. Tapos sinabi ko sa kanya na ‘ang swerte mo.’

“Kasi wala pa akong alam non at wala pa rin akong hiya no’n masyado. Sabi ko, ‘ang swerte n’yo po ‘no, sikat na kayong artista.’ Tapos sabi ko, ang ganda ng kotse n’yo, parang ignorante lang ako.

“Ang sagot niya sa akin, ‘parehas lang tayong tao, magkaiba lang tayo ng trabaho.’ Sa isip ko, paanong magkaiba, eh, nagsu-showbiz nga ako?” natatawa pagre-recall ni Phoebe.

Gusto raw sana niyang personal na pasalamatan si Luis sa pagiging mabait nito pero wala namang pagkakataon.

“Sayang, kasi ang Seklusyon dapat maggi-guest sa Family Feud, yung Team Seklusyon, kaso hindi natuloy. Siguro sa ibang araw na lang.”

After her achievement sa Seklusyon, hindi na extra ang category ngayon ni Phoebe. Kamakailan lang ay nag-renew siya ng kontrata sa Viva Artists Agency (VAA) at bahagi ng kanyang bagong kontrata ang 10 pelikula na gagawin niya sa kompanya sa loob ng limang taon.

“Magpa-five years na po ako sa Viva sa March at first time kong nakatanggap ng flowers. Feeling ko artista na talaga ako,” natatawa niyang pahayag after the contract signing.

Ano ba ang plano sa kanya ng Viva?

“Meron pong kinuwento sa akin si Boss Vic about the film na Reality din po ang hahawak. Pero hindi pa po ako allowed na ikuwento yung ibang detalye. Ang alam ko lang po, parang yung character ng bida sa Gone Girl yung magiging role ko,” matipid niyang kuwento.

Samantala, ayaw namang masyadong mag-expect ni Phoebe na mas bobongga ang career niya after Seklusyon.

“I’m not expecting anything po. Kung may dadating po, I’m going to be grateful. Mahirap po kasi kapag para kang fairy tale mag-isip sa showbiz, eh. Alam mo yon, yung happily ever after? Parang hindi, eh. Hindi ako naniniwala sa ganun. So, at least ngayon, kahit papaano may konting abante na ako dito sa starting line kasi medyo matagal akong natengga don, eh,” nakangiting pagtatapos ni Phoebe.