Angeline Quinto says love life is still not her priority

Angeline Quinto admits she is not ready to commit to a relationship yet.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

1/17/2017 10:07 AM
Angeline Quinto says love life is still not her priority


011717-AngelineQuinto_Push.jpgHindi pa rin priority ngayon ni Angeline Quinto ang magkaroon ng love life. Ayon sa aktres na kapartner ni Jake Cuenca sa Foolish Love ng Regal Films, sana raw ay nandiyan pa rin si Erik Santos kapag dumating ang time na handa na siyang makipagrelasyon.

“Hindi naman sa wala akong makita para sa amin ni Erik (Santos), pero ang ipinagdadasal ko na nga lang po, na sana kung ako ay ready na, nandiyan pa rin siya… sana ganu’n,” simulang pahayag ni Angeline sa interbyu ng Push.com.ph

Dagdag pa ng singer-actress, “Si Erik kasi, ready na kasi yung magkapamilya, eh. Siguro nasa tamang edad [na siya], eh, ako naman, mas bata ako sa kanya, di ba? So, ayoko munang pumasok sa ganu’ng sitwasyon na ang dami ko pang kailangang unahin. Kasi baka mas maging komplikado po.

“Lalo na, babae ako at ako lang din ang inaasahan ng pamilya ko. Ayokong magsisi sa huli na inuna ko yung love life ko tapos ang dami kong naiwan. Sana lang, kahit anong mangyari, maging okey pa rin kaming dalawa.”

Eh, what if may makitang iba si Erik?

“Hindi naman yon imposible, di ba?”

Handa ba siyang i-let go si Erik?

“Ang hirap non, pero anong magagawa ko? Siguro kakayanin ko na i-let go si Erik, pero mahabang pag-uusap yon siguro bago mangyari yon,” sagot ni Angeline.

Kapansin-pansin na parang patterned after kay Regine Velasquez na nagsimula bilang singer hanggang maging artista ang career path ni Angeline. Sinasadya ba niya ito?

“Si Regine naman po kasi talaga ang influence ko talaga simula pagkabata. Napakalaking impluwensya ang naibigay sa akin ni Regine sa pagkanta. Sa mga movies naman, parang ganu’n din po, na rom-com, di ba?

“Ipinagpapasalamat ko nga na ganu’n yung nangyayari sa career ko. Na kung si Ms. Regine Velasquez po yung naging inspirasyon ko sa pagkanta, tapos ngayon, nangyayari sa akin yon, so, parang sobrang-sobra naman,” reaksiyon ng bida ng Foolish Love.

With regards naman sa first tambalan nila ni Jake, paano ba niya ide-describe ang aktor?

“Wala akong masasabi, eh, bukod sa ang galing-galing niyang umarte. Ang dami ko ring natutunan sa kanya. Namo-motivate ako kapag siya ang kaeksena ko kaya learning experience talaga for me na makatrabaho ko siya,” pagtatapos ni Angeline.

Palabas ang Foolish Love na idinirek ni Joel Lamangan sa mga sinehan on January 25.