EXCLUSIVE: Rey Langit says he has no plans of retiring

Veteran radio broadcaster Rey Langit also reveals if he still has political plans.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

8/16/2016 9:32 AM
EXCLUSIVE: Rey Langit says he has no plans of retiring


081616-rey_main.jpgAktibo pa rin hanggang ngayon sa pagiging broadcast journalist ang veteran radio anchor na si Rey Langit. Nagsimula ang career sa radio ni Manong Rey sa ABS-CBN pero ayaw niyang direktang aminin sa Push.Com.ph kung ilang taon na siya sa industriya.

“Nagsimula ako mid-60s sa ABS-CBN. Kami ang first generation ng Radyo Patrol. (Radyo Patrol) No. 8 ako. Ayoko nang kuwentahin kung ilang taon na ako sa radio,” natatawang simula ni veteran broadcaster.

Pero kahit matagal na sa radio, wala pa ring balak mag-retire si Manong Rey.

“Alam mo naman sa industriya natin, walang retirement, eh. Ang dinatnan ko at saka part nung learning na natutunan ko, yung mga nag-graduate literally nawala, nasa loob sila ng (radio) booth nu’ng namatay.

“One of which is Johnny de Leon, binuhat na lang siya, sinugod sa hospital kasi black na siya at di na halos umabot. Si Yabot, nagbo-broadcast pa, si Tiya Dely (Magpayo) nagda-drama pa. Meaning, talagang hindi sila bumitaw. Kasi once you’re in, forever na yon, eh, magiging dugo mo na yon,” kuwento niya.

Eh, hindi ba siya nakakaramdam ng pagod?

“Siyempre, kapag workaholic ka, yung bakasyon mo, yung two months na yon, parang hirap na hirap ka na. Parang taon na yon para sa yo.

“Kasi bilang broadcaster, kapag hindi ko yon ginagawa, pakiramdam ko lalo akong mapapadadali (mamatay). Iba pa rin kapag meron kang ginagawa kasi hinahanap-hanap yon ng katawan mo, eh. Hindi kumpleto ang araw mo kapag hindi mo yon nagagawa,” katwiran pa niya.

Eh, bakit nga ba siya umalis sa dating istasyon (DWIZ) na pinagsilbihan niya ng halos 24 na taon. Ngayon ay nasa DZRJ 810 am na siya at 8TriMedia Broadcasting Network na.

“Actually, hindi naman biglaan yung pag-alis ko do’n. Dahil kasi sa pagyao ni Ambassador Antonio Cabangon Chua (may-ari ng DWIZ), iba siyempre kasi kapag gamay mo yung boss mo. Masyado kong dinamdam yung pagkawala nu’ng matanda.

“And siguro part na rin yung pagkawala niya sa pag-alis ko sa istasyon. Kasi nakikita ko yung memories niya pag nando’n ako sa istasyon namin, nagpa-flashback sa akin… Masyadong personal yung aking naging desisyon na pamamaalam sa station,” paliwanag ng broadcast journalist.

Sa tanong naman namin kung interesado pa ba siyang tumakbo ulit sa pagka-Senador kahit tatlong beses na niya itong sinubukan, ang sabi niya, “Actually, sa totoo lang, yung term na tatakbo ka ba, I’ll be more candid. Lahat ng pagtakbo ko, pinilit akong tumakbo.

“Now, kung tatakbo ulit ako, yon ang hindi ko pa alam. Siguro ‘pag meron ulit pumilit sa akin,” natatawa niyang sagot.