• Home
  • Fresh Scoops
  • Angeline Quinto admits she often seeks advice from her gay friends.

Angeline Quinto says Vice Ganda once comforted her about her troubled love life

Angeline Quinto admits she often seeks advice from her gay friends.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

07/26/2016 10:05 AM
Angeline Quinto says Vice Ganda once comforted her about her troubled love life

072616-angeline_main.jpgAminado si Angeline Quinto na malaking bahagi ng buhay niya ang pagkakaroon ng mga kaibigang bading o beki kaya relate na relate siya sa role niya sa pelikulang That Thing Called Tanga Na kung saan apat na beki ang kanyang mga kaibigan.

“Napapaligiran po talaga ako ng napakaraming beki kahit noon pang bata pa lang ako. Kapag kasama mo sila, masaya ang mundo. Ang saya-saya at pag kasama ko sila, wala akong problema, eh.

“Siguro yung pag gastos lang kasi ako yung gumagastos kapag kumakain kami sa labas, pero bukod don, wala naman na po,” pagtatapat ni Angeline.


Bading din daw ang nilapitan niya nu’ng namroblema siya sa kanyang love life.

“Share ko lang ha, two years ago sobra akong problemado sa love life ko. Wala akong ibang alam kung sinong puwedeng sabihan sa mga kaibigan kong artista, sa mga kaibigan kong singers. Kasi hindi ko alam baka mamaya mai-share din sa iba, eh, hindi naman alam ng lahat na may relationship ako non.

”So, si Ate Vice (Ganda) ang tinawagan ko talaga dahil siya po ang isa sa mga artistang malapit sa akin. Akala ko nga nu’ng una magagalit siya kasi nung time na yon na tumawag ako sa kanya iyak ako nang iyak sa cellphone. Ando’n pala siya sa bahay ng dyowa niya. ‘Ano’ng problema mo, intayin mo ako diyan’ sabi niya.

“So, hindi ko naman in-expect na pupunta siya talaga kasi parang mga 1 a.m. na po nung dumating siya sa condo namin. Pagdating niya iyak pa rin ako nang iyak hanggang sa… siguro mga 3 hours kaming magkausap, magkatabi kami sa kama.

“Parang bigla na lang pong sa lahat ng mga kinuwento niya sa akin, bigla ko lang nakalimutan na malungkot ako,” dire-diretso niyang kuwento.

Ayon pa sa singer-actress, tiyak daw na magiging malungkot ang mundo kapag nawala ang mga beki.

“Sabi ko nga po, sa dinami-dami ng mga kakilala kong mga bading, mga bakla, mga kamag-anak, siguro kung ang Pilipinas mawawalan ng mga bakla, siguro malungkot, di ba?

“Saka sa trabaho ko pa lang, yung mga nag-aayos sa akin, make-up artist ko, ang stylist ko, hairstylist ko, lahat po sila mga bakla. So, every time na nalulungkot ako ang lahat ng tinatawagan ko at gusto kong kasama lagi ay mga bading.

“Hindi ko ito sinasabi dahil maraming bakla ngayon, hindi po sa ganun, ha, totoo yon. Siguro, malaking kawalan ang mga bakla sa buhay ng isang tao,” sabi ulit niya.

Regarding same sex marriage, nakakatawa naman ang reaksyon dito ni Angeline.

“Ang dami ko rin pong kilalang mga parehong lalaking kinasal, parehong babaing kinasal. Saka sila pa yung nag-i-invite sa akin minsan na magkaroon ng trabaho para kumanta sa wedding nila.

“Malaking tulong naman po sila sa akin, so bakit naman po ako magiging against sa same sex marriage. Saka, willing naman po silang magbayad nang tama,” patawa niyang pahayag.

Hindi ba yon joke?

“Hindi, totoo po ‘yon. May mga kilala ako, sa ibang bansa pa nga. Kasi, di ba, sa ibang bansa ay legal po yon (same-sex marriage)? So, kung mahal nila ang isa’t isa, sino po ako para husgahan sila. Kung mahal nila ang isa’t isa ay ako na lang ang kakanta,” sey ulit ni Angeline na natatawa.